TINGNAN: Mga bahay sa Ormoc, pinadapa ng lindol

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2017 03:16 PM

ORMOC CITY - Gumuho ang mga bahay sa 2 barangay dito sa lungsod matapos tumama ang 6.5-magnitude na lindol sa kalapit na bayan ng Jaro, Huwebes ng hapon.

Ang ilang residente ng barangay Milagros at barangay Cabaon-an, ay pansamantalang nanunuluyan sa mga pinagtagpi-tagping trapal dahil sa takot na matrap kung babalik pa sa kani-kanilang mga nasirang bahay.

Bukod sa pansamantalang tirahan, nanghingi ang mga residente sa pamahalaan ng pagkain at tubig sa kasagsagan ng kalamidad.

Nauna ng sinabi ng alkalde na si Richard Gomez na nahihirapan ang lokal na pamahalaan na maiparating ang tulong sa ilang barangay dahil hindi pa naaayos ang ilang nasirang daanan.

Isa na ang naitalang patay sa lungsod, habang daan-daan naman ang sugatan dahil sa paglindol.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.