Tinaguriang 'priest killer,' arestado sa panibagong kaso

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2017 07:12 PM | Updated as of Jul 07 2017 08:05 PM

Inaresto ng mga otoridad ang kilalang lider ng armadong grupong Ilaga na si Norberto Manero Jr. alyas Kumander Bukay Biyernes sa mismong tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group sa General Santos City.

Manero, natiyempuhan nang pumunta sa tanggapan ng pulisya

Arestado ang kilalang lider ng armadong grupong Ilaga na si Norberto Manero Jr., alyas Kumander Bukay, sa mismong tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa General Santos City nitong Biyernes.

Ayon sa CIDG, pumunta sa kanilang tanggapan sa loob ng Camp Fermin Lira ang 70-anyos na si Manero Biyernes ng umaga para mag follow-up sana sa isa sa mga kaso kung saan siya ay hiniling na maging consultant. 

Dito na nakahanap ng pagkakataon ang CIDG na ihain kay Manero ang dalawang arrest warrant na ipinalabas ng korte laban sa kaniya.

Ang dalawang warrant na inilabas noong Hunyo 10, 2010 ay para sa kasong pagpatay at tangkang pagpatay na kinasangkutan umano ni Manero at apat na iba pa.

“Pumunta siya (Manero) dito tapos nagkataon na may warrant siya, so sinerve na natin sa kanya,” ani Elmer Gueverra, hepe ng CIDG Region 12.

Ayon sa impormasyon na hawak ng CIDG, may probable cause umano ang reklamong murder laban kay Manero at sa iba pang suspek na sina Rolando Paglangan Jr., Sonny dela Cruz, Wahab Dikayan, at John Palma. 

Maayos na kinausap ng CIDG si Manero at hindi naman ito pumalag. 

Paliwanag ni Manero, handa siyang harapin ang kaso laban sa kanya. Ipinagtataka niya kung bakit siya may arrest warrant samantalang nakalabas pa siya ng bansa.

“Bakit ako may warrant, eh kung may warrant pala ako, bakit ako nakalusot sa NBI (National Bureau of Investigation) at nakapunta pa ako [sa] Phuket (sa Thailand)?” aniya.

Nahatulan si Manero ng habambuhay na pagkakabilanggo dahil sa pagpaslang sa Italyanong pari na si Tullio Favali sa Tulunan, North Cotabato noong 1985.

Una itong tumakas mula sa Davao Prison Farm noong Mayo 13, 1992 bago ito nabigyan ng pardon ni dating Pangulong Joseph Estrada noong Disyembre 1999.

Noong Marso 2000, binawi ng Malacañang ang conditional pardon kay Manero dahil sa pending na kidnapping at double murder case nito. Ikinulong si Manero sa Sarangani Provincial Jail, pero pumuga ito noong Marso 22, 2001.

Sumuko ito sa awtoridad noong Abril 2001 at ikinulong sa Davao Penal Colony bago dinala sa New Bilibid Prison. Tuluyang nakalaya si Manero sa piitan noong Enero 2008 at nanirahan sa South Cotabato.

Pasado ala-1 ng hapon nang dalhin si Manero sa Hall of Justice ng General Santos City kung saan iniharap siya sa Regional Trial Court Branch 23, ang naglabas ng mga arrest warrant laban sa kanya.

Agad namang inilabas ng korte ang commitment order laban kay Manero at naipiit na ito sa General Santos City Jail. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.