Planta ng yelo sa Quezon City, nagkaroon ng chemical leak

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2017 01:29 AM

Isang planta ng yelo sa Quezon City ang nagkaroon ng chemical leak matapos ang isang maliit na pagsabog nitong Biyernes. Fred Cipres, ABS-CBN News

Nagkaroon ng maliit na pagsabog na sinundan ng pagsingaw ng kemikal sa isang planta ng yelo sa Sgt. Esguerra Avenue, Quezon City nitong Biyernes.

Kwento ng isang empleyado na ayaw mapangalanan, sumingaw umano ang tangke ng ammonia na ginagamit para sa paggawa ng yelo, mag-hahatinggabi.

Dahil na rin sa amoy ng kemikal ay nagsilabasan ang mga parokyano ng isang bar na katabi lamang ng planta ng Konz Jenza Ice Plant Inc.

May narinig umano silang maliit na pagsabog na sinundan ng malakas na "hissing sound" na nagmula sa planta. 

Nagreklamo ang isang event organizer dahil sa nagambala umano ang kanilang okasyon na isang fund-raising sana para sa Marawi City.

Wala namang nasaktan sa mga empleyado ng planta at bumalik na sa normal ang operasyon ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.