NGCP, di pa tiyak pagbabalik supply ng kuryente sa Visayas

Zhander Cayabyab, DZMM

Posted at Jul 07 2017 03:03 PM


Wala pang maibibigay na timeline ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) kung kailangan mababalik ang 100 porsiyentong supply ng kuryente sa mga lalawigan na tinamaan ng lindol sa Visayas.

Sa isinagawang press conference nitong Biyernes, sinabi ni Atty. Cynthia Alabanza, tagapagsalita ng NGCP, na bukod sa tumagilid na tower, nagkaroon ng pinsala ang Ormoc high voltage direct current transmission link at Ormoc sub-station na hub ng kuryente sa Visayas.

May nasirang converter, transformer at pipeline. Maging ang opisina nila napinsala rin.

Dahil dito, may total blackout sa Bohol, Samar at Southern Leyte.

May mga tauhan na sila sa mga nasirang imprastruktura upang kumpunihin ang pinsala.

Sinabi pa ni Alabanza na ang worst case scenario, may malawakang blackout rin at rotating brownout sa ilang lalawigan sa Visayas hanggang Linggo.

Posible rin itaas ang yellow hanggang red alert sa Visayas grid dahil sa kakapusan ng supply at reserbang kuryente kaya umaapela ang NGCP sa mga may kuryente na, na maging matipid sa konsumo nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.