PatrolPH

Naipit, nahulog, natakot: Ilang residente sa Ormoc, sugatan matapos ang lindol

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2017 11:55 AM

Naipit, nahulog, natakot: Ilang residente sa Ormoc, sugatan matapos ang lindol 1

Nagdulot ng matinding takot ang nangyaring lindol sa Ormoc City at Kananga, Leyte kahapon.

Isa sa mga nag-panic ay si Remedios Colangga, residente ng Ormoc. Ayon sa kanya, muntik na siyang tumalon sa bintana ng Ormoc District Hospital dahil sa takot.

Sinabi naman ng security guard na si Michael Mainit na mas malakas ang lindol na naramdaman niya kumpara sa nangyari sa Bohol. 

Si Jobelyn Omolon naman at kanyang 2 anak ay kasama sa mga na trap sa gumuhong gusali. Malaking pasalamat niya na matapos ang limang oras ay nakaligtas sila sa trahedya.

“Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil kung hindi sa kanya hindi kami makaligtas muntik na akong sumuko ang hirap doon ang hirap huminga doon,” sabi ni Omolon.

Masakit naman ang likod ni Dionesio Octavio kaya’t hirap siyang makatayo at magsalita. Ito ay matapos niyang mahulog sa pinagtatrabahuhang gusali. Sabi niya, nang lumindol, nag-panic siya kaya siya nahulog mula sa ikalawang palapag.

Ang apo naman ni Susana Dalaguit, sugatan ang paa matapos na madaganan ng gumuhong pader ng kanilang bahay.

Hiling niya ngayon na sana matulungan silang mapagamot ang kanyang apo.

Sa inisyal na tala ng Ormoc District Hospital, aabot na sa 24 na pasyente ang nagamot na biktima ng lindol kahapon at inaasahan naman ngayong araw na marami pa ang mga magpapagamot sa nasabing ospital dahil na rin sa epekto ng lindol.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.