Mga bihag, tinatakot, sinusuwelduhan para lumaban para sa Maute

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2017 06:12 PM | Updated as of Jul 07 2017 10:52 PM

Bilang dagdag-puwersa sa kanilang grupo, pinalalaban ng grupong Maute ang kanilang mga hawak na hostage kontra sa puwersa ng gobyerno, ayon sa militar ngayong Biyernes.

"Pinaka-worst sinasama sila (hostages) sa pamamaril. Bakit sumama? Anim sa kasamahan nila pinatay sa harap nila dahil hindi sumama," ayon kay Col. Chris Tampus, battalion commander ng 1st Infantry Brigade ng Army. 

Inaalok din umano ng pera ng grupong Maute ang mga sibilyang naiipit sa bakbakan upang umanib sa kanila kontra militar. 

"Sinesuwelduhan daw yung iba, may employment. P12,000 ang sinesuweldo," ayon kay Zia Alonto Adiong, tagapagsalita ng Marawi Crisis Management Committee. 

Patay, dumarami; mga sibilyang naipit, sinasagip

Isang sundalo ang namatay at tatlong sundalo ang sugatan nang matamaan ng isang grenade launcher nitong Biyernes ng umaga, ayon kay Tampus. 

Samantala, ginagamit naman ng militar ang isang public address system tuwing alas-7 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon upang masabi sa mga sibilyang naiiipit pa rin sa bakbakan kung anong oras sila maaaring makalabas sa Marawi. 

"(Sinasabi) Sa kalaban, surrender or die. Sa civilians, nagbibigay tayo ng guide, ito ang time na puwedeng lumabas. 'Yung mga lalaki lumabas na walang t-shirt para ma-assure na walang dalang bomba," ani Tampus. 

Tuloy tuloy pa rin ang bakbakan sa Marawi City simula nang unang umatake ang grupong Maute sa lungsod noong Mayo 23. 

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.