Kaanak ng mga dawit sa Bulacan massacre, nangangamba

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2017 07:35 PM | Updated as of Jul 07 2017 11:02 PM

Nangangamba ang pamilya ng mga napatay na persons of interest sa Bulacan massacre dahil may umaaligid umanong mga lalaking naka-van sa kanilang mga kaanak. 

Naikuwento pa ni Rosevelth Sorima alyas 'Ponga' ang naririnig niyang usap-usapan na tila pagbabanta, isang araw bago siya pagbabarilin ng mga lalaking nakatakip ang mga mukha sa loob ng kanilang bahay sa Northridge Royale Subdivision sa San Jose del Monte, Bulacan. 

“’Yung kaanak po ng biktima na sinasabi ubusan na lang daw, ‘yun po narinig ko... saka po ‘yung bayaw ko pinagdidiinan nu'ng lalaki na kasama daw po ‘yun ‘yung service ng anak niya,” ani Sorima. 

Nabatid na bayaw naman ni Sorima si Alvin Mabesa na dinukot noong Biyernes.

Nangangamba ang pamilya Sorima lalo't may mga umaaligid umanong mga hindi kilalang lalaki sa kanilang mga kaanak.

"Natatakot po kami sa tatay, may mga naka-van daw na walang plate number ang umiikot baka kung ano gawin sa 'min,” kuwento ni Alyana, kapatid ni Rosevelth Sorima.

Masama rin ang loob nila sa pangunahing suspek sa masaker na si Carmelino Ibañez .    

"Si Miling po parang may topak naman ‘yan eh, ang dami ng nadadamay sa mga sinasabi niya. Una, umamin siya tapos ngayon hindi na,” ani Alyana.

Nakaburol ngayon sa kanilang bahay si Rosevelth Sorima. Nakakandado naman ang bahay ng mga biktima.

Nauna nang nagbigay ng reaksiyon ang padre de pamilya ng mga biktima sa nangyaring pagpatay sa mga person of interest.

"Hindi na rin naman ako masaya at malungkot dahil kahit ano pa mangyari sa kanila patay pa rin ang pamilya ko, wala na sila,” ani Dexter Carlos, padre de pamilya ng napatay na mag-anak.

Pinuntahan naman ng News team ang bahay ng isa pang person of interest na si alyas 'Tony' pero wala pa ring tao sa kaniyang bahay. Ilang taga-roon naman ang nakakita kay alyas 'Tony' noong nakaraang linggo. 

"Nakita po namin siya nu'ng isang linggo, nagpipintura po siya at nu'ng tinanong namin bigla na lang po siya naiyak,” kuwento ng residente. 

"Ang last natin alam ay nasa pamilya niya siya. So ina-assume natin na pamilya niya [ang] nag-e-ensure ng safety niya," ani Supt. Fitz Macariola, hepe ng San Jose Del Monte, Bulacan police.

Ayon sa mga pulis, bukod sa mga biktima ay isinailalim na rin sa forensic examination ang tatlong persons of interest sa kaso. Umaasa ang Philippine National Police sa paglabas agad ng resulta nito.

Rorondahan naman ng mga pulis ang Northridge Royale para siguruhin ang seguridad ng mga residente.     

Bumalik din ang mga imbestigador sa bahay ni alyas 'Ponga' kung saan nakakuha pa sila ng ilang basyo ng bala ng baril.

Umaasa naman ang pamilya ng nawawalang si Alvin Mabesa na buhay nila itong makikita muli. 

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.