Blackout dulot ng lindol, nagpaalala ng 'Yolanda' sa Tacloban

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2017 08:37 PM

Takot ang idinulot ng lindol sa mga Taclobanon kagabi ng Huwebes nang magkaroon ng blackout, kaya naman kani-kaniyang bili na ng mga solar-powered lamp, kandila, at generator sets ang mga residente. 

Karamihan naman ay ipinaayos na lamang ang kanilang generator set na nabili at nagamit noon pang pagkatapos ng bagyong Yolanda. 

Magdamag na nawalan ng kuryente sa Tacloban City kagabi kasunod ng lindol. 

Dahil sa sobrang dilim kagabi, naalala ni Noy Custodio, isang residente ng Tacloban, ang naranasan niya nang salantahin sila noon ng bagyong Yolanda, kaya naman pinili niyang ipaayos agad ang mga generator sets na ginamit nila noong panahon ding iyon. 

Dagsa rin ang mga tao sa ilang department store para mamili ng solar-powered lamps at transistor radio at kandila. 

Namakyaw ng katol at kandila ang mga residente dahil hindi nila tiyak kung kailan maibabalik ang supply ng kuryente. 

Walang pasok sa mga paaralan

Maagang pinauwi ang mga estudyante kahapon matapos ang lindol sa kanilang lugar. 

Ayon sa gurong si Luz Bautista, hindi nataranta ang mga estudyante at ginawa ang itinuro sa kanilang 'duck, cover, and hold' tuwing may earthquake drill. 

"We prayed. 'Yung iba, gusto nang tumakbo. Gustong umuwi. Sabi ko, huwag muna. Actually, huminto naman," ani Bautista. 

Ngayong araw, walang pasok sa mga eskuwelahan dahil sinuri ang mga paaralan kung ligtas pang gamitin. 

"So far, we've been blessed na wala naman tayong damages sa ating infrastructures as per checking with the engineering," ayon kay Tacloban City Mayor Cristina Romualdez. 

-- Ulat ni Jenette Ruedas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.