Biktima ng riding-in-tandem: 'Inabangan kami'

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2017 04:29 PM

Isang babae ang nawalan ng bag matapos hablutin ng 2 lalaking naka-riding-in-tandem at may dalang baril sa harap mismo ng bahay ng biktima sa Marikina nitong Martes. 

Sa kuwento ni alyas "Mhar" sa DZMM, sinabi nitong naganap ang insidente gabi ng Hulyo 4 sa kanilang subdivision sa Barangay Concepcion Uno. 

Nauna umanong bumaba ang kanyang misis habang ipinaparada niya ang sasakyan sa kalsada sa tapat ng kanilang bahay.

Bigla umanong dumating ang riding-in-tandem at bumaba ang isa sa mga suspek para agawin ang bag ng kanyang asawa na noo'y papasok na sa gate ng kanilang bahay.

Tinangka pa niyang saklolohan ang kanyang misis pero tinutukan siya ng baril ng mga suspek. Bago pa nga umalis, nagpaputok pa ang isa sa kanila.

"Nung tinutukan po ako, ako po ay umatras na. Ako ay nagpapasalamat na kami po ay hindi naman nasaktan at hindi ako tinamaan ng kanilang ipinutok na baril," sabi ni Mhar.

Laman ng bag ng kanyang misis ang malaking halaga ng pera na na-withdraw lamang nila nung hapon na yun sa isang bangko, mga identification card, cellphone, wallet at susi ng sasakyan.

Ang na-withdraw nila sa bangko ay pera ng kanyang bayaw na gagamitin para sa pagpapagawa ng ipinapaayos na bahay.

Paniwala ni Mhar, talagang tiniktikan sila ng mga suspek.

"Hindi ko alam kung naka tiyempo lang itong mga riding-in-tandem na ito o meron din po silang impormasyon dahil sa tingin ko po talagang inabangan nila kami dahil mayroon pong nakapagsabi na 15 minuto bago pa kami dumating nagaabang na sila sa kanto," paliwanag niya.

Agad naman nilang nai-report sa awtoridad ang pangyayari na nakuhanan din ng CCTV. Pero wala umanong plate number ang motorsiklong sinakyan ng mga suspek.

Ayon kay Senior Superintendent Roger Quesada, hepe ng Marikina City Police, nagkakasa na ng operasyon ang pulisya para sa ikadarakip ng dalawang suspek. 

"Hindi ko na din mababanggit ang pamamaraan na gagawin natin kasi po baka ma-compromise ang operation natin at ongoing po hanggang ngayon ang operation natin,” aniya. 

Nagpaalala naman si Quesada na agad ipagbigay-alam sa kanila ang presensiya ng mga taong may kahina-hinalang ikinikilos.

Binanggit din niya pinaigting nila ang police visibility sa lugar upang maiwasan ang paglaganap ng krimen.

"Gagawin po natin ang lahat ng ating makakaya para ma-solve ang kasong ito,” pangako ni Quesada.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.