Pulis inireklamo ng pambubugbog ng hinihinalang pusher

Mike Navallo, ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2016 01:11 PM

MANILA - Inireklamo ng pamilya ng isang hinihinalang tulak-droga ang umano'y iligal na pagsalakay ng mga pulis sa kanilang bahay sa Pasay City, Miyerkules ng gabi.

Ayon kay Harra Kazou, misis ng suspek, hinalughog ng mga pulis ang kanilang bahay at dinampot ang kanyang asawa nang walang dalang warrant.

Pinaghubad din anya ng mga awtoridad ang kanyang tatlong taong gulang na anak.

Kwento ni Kazou, natutulog na sila nang hinalughog ng mga pulis ang kanilang bahay para makahanap ng ebidenya.

"Wala po silang kasamang barangay. Wala rin po silang search warrant. Basta pumasok lang po sila sa bahay po namin," sabi ni Kazuo

Dalawang beses din umano nilang ibinaba ang underwear ng paslit na anak ng suspek para masigurong walang itinagong ebidensya rito.

Paratang pa ng ginang, binugbog din ng mga pulis ang kanyang 50-anyos na manugang.

Sabi ng kapitbahay na nakasaksi, "Nakita ko po, nilabas. Kinakaladkad po siya ng mga pulis habang sinusuntok. Nagmamakaawa na po siya na sasama po siya. Pero, sinusuntok pa rin po siya ng mga pulis."

Kapwa dinala sa police station ang manugang at asawa ni Kazuo.

Aminado naman siya na gumagamit at nagbebenta ng droga ang kaniyang mister. Hindi niya rin itinanggi na may nakuhang drug paraphernalia sa kanilang bahay.

Pero iginiit niya na balak na sanang sumuko ng suspek.

Sinikap ng ABS-CBN Na kuhanin ang panig ng mga pulis, pero tumanggi silang magbigay ng kumento.

Hindi rin nila pinayagang humarap sa kamera ang suspek.