Isa sa 'Bangkang Papel' boys, pumanaw na

Dennis Datu, DZMM

Posted at Jul 07 2016 04:49 PM

MANILA – Pumanaw na nitong Huwebes ng umaga ang isa sa tatlong tinaguriang "Bangkang Papel" boys noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Alas-11:50 ng umaga nang pumanaw si Erwin Dolera sa San Lazaro Hospital matapos ang dalawang linggong pagkakaaroon ng pneumonia, ayon sa kapatid nitong si Irma Dolera-Palanas.

Dagdag pa ni Palanas na nagkaroon din ng kumplikasyon sa tuberculosis ang 24-anyos nitong kapatid.

Kasalukuyang inaayos pa ng pamilya kung saan ibuburol si Dolera.

Walong taong gulang pa lamang si Dolera nang maging isa ito sa mga simbolo ng panunungkulan noon ni Arroyo bilang president.

Kasama ang dalawa pang batang sina Jomar Pabalan at Jayson Vann Banogon, na pawang taga-Payatas, Quezon City, ipinakilala ang tatlo sa unang State of the Nation Address ni Arroyo noong taong 2001.

Ito'y matapos na isinulat ng tatlong bata ang kanilang mga kahilingan sa isang bangkang papel na kanilang pinalutang sa Pasig River upang makaabot sa Malacanang.

Laman ng sulat ni Dolera ang pagpapasara sa Payatas dumpsite at ang kahilingang bigyan ng sariling lupa ang kanyang pamilya.

Si Dolera ay nakapagtapos sa kursong mass communication major in broadcasting sa Trinity University of Asia.

READ: 'Bangkang papel' boy wants to become a journalist

Siya din ay dating nag on-the-job training bago nagtrabaho bilang production assistant ng TV5.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.