Kuha ng Kanlaon Volcano mula sa bayan ng La Castellana, Negros Occidental noong Hunyo 24, 2020. Francis Fabiania, AFP/File
Magpupulong sa Huwebes ang disaster office ng Negros Occidental at Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) para pag-usapan ang kondisyon ng Bulkang Kanlaon.
Ayon kay Zeaphard Caelian, head ng Negros Occidental provincial disaster management program division, ang pulong ay utos ng Department of the Interior and Local Government para maihanda rin ang mga local government unit sa mga lugar sa paanan ng bulkan.
Ayon kasi sa bulletin ng Phivolcs nitong Martes, posibleng magkaroon ng biglaang phreatic eruption o pagputok ng steam ang Kanlaon matapos magpakita ng "bahagyang aktibidad."
Ayon kay Caelian, base sa inisyal na pag-uusap kasama ang Phivolcs, hindi pa kailangang itaas ang alert level ng Kanlaon.
Kasalukuyang nasa Alert Level 1 ang bulkan, at magkakaroon lang umano ng evacuation kapag itinaas ang Alert Level 3.
Sa ulat ng Phivolcs ngayong Miyerkoles, nakapagtala ito ng 15 volcanic quates sa loob ng 24 oras. May pamamaga rin umano sa loob ng bulkan at humina ang labas ng steam mula sa crater — mga senyales ng posibleng phreatic eruption.
Walang dapat ikabahala ang publiko, sabi ng Phivolcs, na nagpaalalang bawal pumasok sa 4-kilometer permanent danger zone ng bulkan.
—Ulat ni Romeo Subaldo
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.