PatrolPH

Lalaki patay matapos mabaril habang nag-iinuman

ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2022 04:39 PM

Patay ang isang lalaki matapos umanong aksidenteng mabaril ng kaniyang kamag-anak na sundalo sa Barangay Aglibacao, Jamindan, Capiz nitong Martes ng hapon.

Nakilala ang biktima na si Arnulfo Vacaro, 40 taong gulang at nakatira sa Barangay Pangabat.

Ang 35-anyos na suspek ay nakatalaga sa 12th Infantry Battalion ng Philippine Army sa bayan ng Calinog, Iloilo.

Sa imbestigasyon ng Jamindan PNP, magkasamang nag-iinuman ang suspek at biktima pero nang malasing na sila ay pinaglaruan umano nila ang .357 na baril ng suspek.

Habang hawak ng suspek ang baril ay aksidente umano nitong nakalabit ang gatilyo at tumama sa tagiliran ng biktima.

Dinala ng suspek ang biktima sa ospital kasama ang mga kamag-anak nito pero idineklarang dead on arrival ng doktor ang biktima.

Kaagad sumuko sa Jamindan PNP ang suspek, dala ang kaniyang baril.

Nasa kustodiya ng Jamindan PNP ang suspek at hinihintay ang magiging desisyon ng pamilya ng biktima kung magsasampa ang mga ito ng kaso laban sa suspek.

Patuloy ang imbestigasyon ng Jamindan PNP sa nangyaring insidente.

—ulat ni Rolen Escaniel

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.