PatrolPH

Face-to-face grad sa General Trias ipinagpaliban dahil sa pagdami ng COVID cases

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2022 02:54 PM

CAVITE – Inirekomenda ng city health office ng General Trias City sa lalawigang ito na ipagpaliban ang mga pisikal na graduation, moving-up ceremonies at iba pang pagtitipon ngayong dumarami ang mga kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Sa pahayag ng lokal na pamahalan, sinabi nilang kailangan munang tiyakin ang kaligtasan ng mga batang lalahok sa mga pagtitipon lalo’t hindi pa bakunado ang lahat kontra COVID-19.

“Tungkol sa graduation, moving-up ceremonies etc., ang rekomendasyon po ng City Health Office ay postponement ng mga nasabing aktibidad na naka-schedule ngayong Linggo ding ito," ayon sa lokal na pamahalaan.

“Isinasaalang-alang ho natin ang kapakanan ng mga bata lalo na na hindi lahat sa kanila ay bakunado.”

Nauna nang kinansela ang flag-raising ceremony ng pamahalaang lungsod noong Lunes, at ang inaugural session ng Sangguniang Panglungsod noong Martes.

Sa datos sa provincial health office, pangalawa ang General Trias sa may pinakaraming aktibong kaso sa Cavite, kasunod ng Imus City.

Nasa 56 ang aktibong kaso sa lungsod nitong Martes: 22 ang asymptomatic at 34 ang mild.

Tatlo sa mga may sakit ang nasa pagamutan o isolation facility, habang 53 ang naka-home quarantine.

“Kaya minabuti ng Lokal na Pamahalaan na magpatupad ng mga nararapat na hakbang upang maiwasan ang lalong pagdami ng COVID-19 cases at ang paglalagay sa ating lugar sa mas mahigpit na quarantine classification,” ayon sa pahayag.

Nanawagan ang lokal na pamahalaan sa publiko na makipagtulungan at sumunod sa minimum public health standards.

KAUGNAY NA VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.