PatrolPH

Estudyante patay matapos masuntok sa lalamunan ng kaklaseng naalimpungatan

ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2022 06:58 PM

Namatay ang isang estudyante matapos na masuntok ito sa lalamunan ng kanyang kaklase sa beach resort sa Guinayangan, Quezon Miyerkoles ng umaga.

Hindi na umabot ng buhay sa hospital ang biktimang 17-anyos na estudyante ng Guinayangan Senior High School nang hindi ito makahinga dahil sa pinsala sa lalamunan.

Inaresto naman ng pulisya ang suspek na si Warren De Guzman, 19 anyos, na kaklase ng biktima.

Batay sa report ng Guinayangan police, kakatapos pa lamang ng graduation ng mga ito kahapon nang magkayayaan ang 14 na magkaka-klase na mag-overnight outing sa isang resort sa Barangay Dancalan.

Ayon kay Police Major Eric Veluz, hepe ng Guinayangan police, bilang selebrasyon, halos magdamag na nag-inuman ang magkakalase nitong Martes ng gabi.

Pero nang paalis na ang grupo ng dakong alas 6:00 ng umaga, ginigising ng biktima ang nalasing at natutulog pang suspek sa isang cottage.

Naalimpungatan umano ang suspek at sinuntok ng isang beses ang biktima at saka muling natulog.

Nakita na lamang ng mga kaklase na namutla ang biktima at biglang hinimatay.

Agad itong isinugod sa ospital subalit hindi na ito umabot ng buhay.

Sinampahan na ng kaso sa piskalya ang suspek.

- ulat ni Ronilo Dagos

MULA SA ARCHIVE

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.