PatrolPH

'May mga tumalsik na sundalo': Witness ikinuwento ang nasaksihan sa C-130 crash

ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2021 10:52 AM | Updated as of Jul 06 2021 07:03 PM

'May mga tumalsik na sundalo': Witness ikinuwento ang nasaksihan sa C-130 crash 1
Crash site ng bumagsak na Philippine Air Force C-130 aircraft sa Patikul, Sulu. Courtesy:Joint Task Force Sulu

MAYNILA (UPDATE) - Tumalsik ang mga sundalo nang mangyari ang pagbagsak ng eroplano ng militar sa Patikul, Sulu - ayon sa isa sa mga unang nakasaksi at rumesponde sa aksidente. 

Sa panayam sa Teleradyo, sinabi ni alyas "Carlos" na nakatayo sila ng kanilang mga kasamahan sa kalsada nang nakarinig sila ng malakas na pagsabog sa Barangay Bangkal. 

Watch more on iWantTFC

Nakausap naman ng ABS-CBN News ang ilang mga sibilyang nakakita at sumaklolo sa mga naaksidente. 

May iba rin umanong tumalon mula sa eroplano bago ito bumagsak, pero may ilan na tumalsik. 

"Tumalsik ang mga sundalo sa harap namin. May natabunang tatlong bahay. Tinulungan namin ang mga sundalo," ani Carlos. 

Agad umano silang nagtakbuhan papunta sa crash site para tulungan ang mga biktima. 

Watch more on iWantTFC

Apat na sundalo ang hinila ng hanay nina Carlos mula sa eroplano para hindi masunog ang kanilang mga katawan. 

May ilan na hindi na nila naabutan ng tulong dahil nasusunog na ang mga ito, pero agad din aniya silang tumawag ng saklolo sa kanilang malapit na batallion. 

Natabunan din ang mga nasa tatlong bahay nang mangyari ang aksidente, kung saan aabot na sa 53 ang namatay, kabilang ang mga nakasakay sa eroplano na sundalo at mga sibilyang nabagsakan sa bahay. 

Ang ilang gumagawa ng kalsada sa barangay ay tumulong din sa pag-rescue. 

Ayon kay Carlos, natulungan na ng mga sundalo ang ilan sa mga residenteng nakatira sa mga bahay na nabagsakan ng aircraft. 

Aminado si Carlos na naging emosyonal pa siya nang rumesponde siya sa nangyari.

"Pakiramdam namin dito sa Sulu, wala namang masasamang tao, lahat kami ay mabubuti… Masarap tumulong sa mga tao. Lumuha pa ako noong kinuha namin 'yung nasusunog," ani Carlos. 

Galing Villamor Airbase sa Pasay ang eroplano at tumulak pa-Cagayan De Oro. Pagkatapos noon, isinakay ang mga bagong sundalo na katatapos lang ng training at ihahatid sana sa combat duty nang bumagsak ang eroplano. Pinabulaanan din ng mga awtoridad na defective ang aircraft. 

Malaki naman ang pasasalamat ni Armed Forces of the Philippines Gen. Cirilito Sobejana sa mga tumulong sa mga sundalo. Ayon kay Sobejana, kahit delikado ay hindi nagdalawang-isip ang mga residenteng tumulong. 

Narekober na rin ng mga awtoridad ang black box ng aircraft at pinasusuri na rin ito at ilan pang debris sa crash site. 

Pitong sundalo rin ang nakilala na. Tiniyak naman ng AFP na magpapatuloy ang kanilang isinasagawang DNA tests para agad na matukoy ang pagkakakilanlan ng natitira pang pumanaw na mga sundalo. 

Nagpapatuloy rin ang pagpapaabot ng tulong sa mga naulilang pamilya. 

-- May ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.