PatrolPH

Motorsiklo ng delivery rider sa Tacloban, nakaladkad ng kotse

ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2021 04:34 PM

Motorsiklo ng delivery rider sa Tacloban, nakaladkad ng kotse 1
Hinabol ng kapwa riders at isang sasakyan ang kotseng minamaneho ng isang babae matapos na hindi umano mamalayan nitong nakaladkad na niya ang motorsiklo ng isang rider sa Tacloban City. Screengrab mula sa video na kuha ng Intrimis Tacloban

Nakaladkad ng isang kotse ang motorsiklo ng isang delivery rider sa Barangay 61 sa Sangkahan sa Tacloban City, Linggo ng gabi.

Nag-spark na ang motorsiklo sa ilalim ng kotse dahil sa layo ng pagkakakaladkad dito.
 
Mabuti na lamang at ligtas matapos makatalon mula sa motorsiklo ang rider na si Rino Alvarez.

Agad namang hinabol ng kapwa rider at isa pang sasakyan ang kotse na minamaneho ng isang babae na umano'y nakainom.

[EMBED
https://news.abs-cbn.com/news/06/29/21/rider-patay-nang-masagasaan-ng-truck-na-di-tumigil-sa-traffic-light-sa-makati]

Pero hindi pa rin huminto ang kotse ng babae kahit pa ito ay makailang beses na businahan.

Nang mapahinto na nila at tanungin ang driver kung bakit hindi siya huminto, kalmadong sagot nito na hindi niya alam na may nahila na pala siyang motorsiklo.
 
Ayon kay Police Majo. Leonides Sydiongco, Tacloban Police Station 1 Commander, napansin ng kanilang police investigator na amoy alak ang babaeng driver kaya posibleng nakainom ito nang maganap ang aksidente.

Hinikayat ng pulisya ang delivery rider na kasuhan ang babae pero nagdesisyon na itong hindi na ihabla pa ang driver matapos na makipag-areglo.

- Ulat ni Sharon Evite

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.