Remittances ng mga OFW ngayong taon, posibleng bumaba ayon sa BSP

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2020 11:40 PM

MAYNILA - Maaaring bumaba nang hanggang 5 porsyento ang remittances ng mga overseas Filipino workers, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas.

Aminado si Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Benjamin Diokno na may inaasahan silang pagbaba ng remittances ng mga OFW ngayong taon dahil na rin libu-libong kababayan natin ang nagbalik-bansa. 

Marami kasi ang umuwi na ng Pilipinas matapos maapektuhan ang kanilang kabuhayan sa ibang bansa. 

Sabi ni Diokno, marami sa mga OFW na ito ay nagtatrabaho rin sa cruise ships. 

“So baka bumaba po ng 5% iyong remittance, so iyong dati natin na 38 billion, eh baka maging 28.5 billion na lang po ang dadating," aniya.

Gayunman, inaasahan ng BSP na makakabawi naman ang bansa pagdating sa BPO industry na mataas ang demand sa serbisyo ngayon. 

Payo rin niya, makakatutulong sa remittances ng bansa kung magpapadala tayo ng nurses, doktor, computer specialists sa ibang bansa gayong maganda umano ang reputasyon ng mga Pilipino pagdating sa ganitong mga larangan.