MRT nagbawas ng tren matapos dumami ang mga tauhang positibo sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2020 02:13 PM

MAYNILA — Binawasan ng MRT ang mga bumibiyaheng tren simula ngayong Lunes matapos dumami ang mga tauhan ng rail system na nag-positibo sa coronavirus disease, ayon sa Department of Transportation (DOTr).

Nasa 11 train lang ang pinabiyahe ng MRT ngayong Lunes mula 16 hanggang 19 noong nakaraang linggo, ayon kay Transportation Undersecretary Timothy John Batan.

Ito ay matapos umabot sa 186 tauhan ng MRT ang nag-positibo sa COVID-19, base sa tala noong gabi ng Linggo, ayon kay Batan.

Sa 186 tauhan, 2 lang umano ang nagkaroon ng sintomas habang ang iba ay asymptomatic o walang pinapakitang sintomas.

Kasama sa 186 ang 169 depot workers, 12 station personnel, 3 train drivers at 2 mula sa operations control center, ani Batan.

Sa kabila ng pagtaas ng bilang ng mga tauhan ng MRT na nahawahan ng sakit, marami pa ring pasahero ang pumila ngayong Lunes para makasakay sa tren.

Kasama rito ang construction worker na si Francis Diong.

Aminado si Diong na may naga-alala siya dahil sa mga nag-positibo sa COVID-19 sa MRT pero mas mahalaga raw na makapagtrabaho at makasahod.

"Sigurado late na kami pero tiyaga-tiyaga pa rin. Wala eh, kailangan," ani Diong.

"Alcohol lang nang alcohol bawat baba [at] sakay," dagdag niya.

Dinagdagan na rin ng DOTr ang mga unit ng bus augmentation service, sabi ni Batan. Mayroon na ngayong 90 bus units mula sa 60 noong nakaraang linggo. -- May ulat nina Jacque Manabat at Jamaine Punzalan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.