PatrolPH

Ilang stranded sa Metro Manila nakatengga muna sa Quirino Grandstand

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2020 09:41 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Nananatili pa rin sa Quirino Grandstand sa Maynila ang mga stranded sa Metro Manila na naghihintay pa rin ng biyahe pauwi sa probinsiya. 

Dalawang araw nang nagpapalipas ng gabi doon ang pamilya ni Yolanda Creencia, bitbit ang lahat ng gamit para umuwi na sa Dinagat Island matapos ang 8 taon na pagtitinda sa Quezon City.

Pero dito na lang nila nalamang walang biyahe ang Hatid-Tulong initiative pauwi sa kanila.

"Wala raw po biyahe ang Caraga na bus. Hindi raw po kami tatanggapin sa Caraga," aniya.

Noong Sabado, halos 4,000 stranded ang nakauwi sa probinsya sa ilalim ng programa.

Dahil hindi nakasakay ng bus sila Creencia, problema nila ngayon na wala nang mababalikang tinutuluyan sa Quezon City dahil nagastos na nila ang naitabing pera para makapunta sa Quirino Grandstand.

Sa Grandstand nananatili ang mga walang mauuwian, ganun din ang mga nagbabaka-sakaling magkaroon na ng biyahe.

Naglatag na lang sila ng mahihigaan sa malamig na semento.

Kung umaraw, nagsisiksikan naman sila sa maliliit na espasyong may lilim.

Aminado ang ilan na nahuli sila ng dating para sa mga biyahe pa-Visayas at Mindanao.

Ayon sa Presidential Management Staff, dadalhin muna sa Philippine Army gym sa Fort Bonifacio ang mga nasa Grandstand habang wala pang schedule ng biyahe. 

Nauna nang dinala doon noong Linggo ng gabi ang mga babaeng pasahero na umaasang makauwi na sa pamilya sa probinsya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.