Barangay, sitio sa Apalit, Pampanga naka-hard lockdown dahil sa mga kaso ng COVID-19

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2020 08:32 PM

Isang buong barangay at isang sitio sa bayan ng Apalit sa Pampanga ang isinailalim sa hard lockdown simula nitong Linggo dahil sa mga panibagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Naka-hard lockdown ang buong barangay ng Capalangan, at Sitio Kawayan sa Barangay Sulipan hanggang Hulyo 16, matapos makapagtala ng 15 panibagong kaso ng COVID-19.

Ayon kay Apalit Mayor Jun Tetangco, bukod pa ito sa unang 5 positive cases, mula sa isang pasyente na siyang pinagmulan ng local transmission.

Mula kay Patient 140 na may 6 na close contact, 5 ang nagpositibo. Mula naman sa 5 nagpositibo na may 48 close contacts, 15 mula sa 40 na kinuhanan ng swab test ang nagpositibo.

Mayroon ring 56 close contacts ang 15 bagong kaso ng COVID-19.

Sa ilalim ng hard lockdown, hindi maaring makalabas ng bahay ang mga residente, maliban sa isang household member.

Ang awtorisadong makalabas ay dapat may dalang quarantine pass, maliban kung mga Authorized Persons Outside Residence katulad ng mga pulis, healthcare workers, media personnel, at iba pa.

Naka-schedule na rin para makunan ng swab samples ang 56 na close contacts ng 15 nagpositibo. Sa bawat isang mag-positibo, isasagawa na naman ang contact tracing.

Itinayo na ang command center at may disinfection rin sa mga main streets sa apektadong barangay.

Ipinapasara ang mga tindahan sa mga apektadong lugar at suspendido rin ang public utility vehicles.

Umiiral naman sa kasalukuyan ang liquor ban sa buong bayan ng Apalit.