PatrolPH

2 pulis nag-ambagan para mabilhan ng pagkain ang isang matanda sa Palawan

Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2020 09:27 PM

PUERTO PRINCESA CITY - Hinangaan sa social media ang dalawang pulis na nag-ambagan para mabilhan ng grocery items ang isang matanda sa Puerto Princesa City.

Sa video na kuha ni James Villon sa Barangay Santa Monica sa lungsod na ito pasado alas-5 ng hapon nitong Sabado, makikita ang dalawang pulis na nag-abot ng isang supot na naglalaman ng grocery items sa isang matandang lalaki.

 

Tnulungan pa nila itong ilagay sa bag nito para hindi mahirapan sa pagbibitbit.

Kuwento ni Villon, galing siya sa isang grocery store nang una niyang napansin ang pulis na namimili.

"Habang nakapila kami napansin ko 'yung pulis na nung sila ay nagbabayad nakita ko na medyo bitin 'yung pambayad niya. So, ang inilalabas niyang mga pera sa kaniyang bulsa ay mga tigbebente at may mga coins pa nga," ani Villon.

"Nagtaka ako sabi ko bakit kaya ganun ang sitwasyon. Siyempre, alam natin na nakauniporme sila. So, nung tanungin ilan pa 'yung kulang doon namang talikod ko may nakapila na isang nanay na nagtanong kung ilan ba 'yung kulang. So, sabi niya ako na lang 'yung dadagdag ng kulang," aniya.

Paglabas ng grocery store ay nakita niya ang mga pulis na kausap ang isang matanda kaya kinunan niya ng video.

"So, 'yun habang vini-videohan ko 'yun ang kanilang pinag-uusapan. 'Yun pala, 'yung napansin ko na kulang 'yung pambayad niya, 'yun pala ay patak-patak lang nila ng kanilang mga kasamahan para may maibili ng grocery items para ibigay doon sa matanda," dagdag pa ni Villon.

Kinilala ang dalawang pulis na sina Patrolwoman May Flor Galvez Aplaon at Patrolwoman Riza Ulson Valdez na parehong nasa Field Training Program ng Puerto Princesa City Police.

Kuwento nila, palagi nilang nakikita ang matanda na naglalakad at dumaraan sa kanilang poste sa checkpoint umaga't hapon para maghanap ng ulam. Hirap din ito sa paglalakad at sakitin na rin.

Noong araw na iyon ay may bitbit itong saluyot at labong dahil may bibili umano nito.

Nababahala rin ang mga pulis lalo't sa katabing purok lang ng tinitirhan ng matanda ay mayroong positibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Nang pauwi na ito ay pinagpahinga muna nila at pinaghintay saka sila bumili ng grocery items.

Nagpatak-patak naman sila ng kasamahan para makabili.

Kinulang umano ang perang pambili ng pulis, pero isang ale naman ang nagmagandang loob at nagbigay ng pandagdag sa pambayad.

Napag-alaman naman na hindi ito ang unang beses na nakapag-abot sila ng tulong gaya ng pamasahe.

Naaawa umano sila sa ilang residente na naglalakad lalo't isinara ang nagsisilbing daanan ng ilan papuntang Barangay San Jose at Tagburos.

Nagpaabot naman ng papuri sa dalawang pulis ang pamunuan ng city police.

"Ito mga kapulisan nga ho natin ay nagtulong-tulong nga ho na nagbigay nga ho dito sa isa nating kababayan dito. At tayo nga po ay nagpapasalamat doon dahil nga po sa kabila rin po ng ito mga bagong kapulisan natin na 'to na alam nating kapapasok pa lamang po nila ay nakitaan na po natin kaagad ng magandang asal na pagtulong nga po dito sa ating mga kababayan," ani Police Capt. Pearl Lamban-Marzo, ang Spokesperson ng Puerto Princesa City Police Office.

Ngayon ay pinasasalamatan sila ng maraming netizen dahil sa kanilang mabuting puso at pagbibigay ng inspirasyon para patuloy na magbayanihan kahit sa maliit na paraan sa gitna ng pandemya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.