Ilang barangay sa Puerto Princesa, nagdeklara ng dengue outbreak

ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2019 05:01 PM

PUERTO PRINCESA—Dalawang barangay sa lungsod na ito ang nagdeklara ng dengue outbreak Sabado, matapos tamaan ng naturang sakit ang hindi bababa sa 78 tao.

Sa loob ng 2 linggo, 64 na residente mula sa Barangay Buenavista ang nagkaroon ng dengue, habang may 14 namang biktima sa Barangay Cabayugan.

Ayon sa City Health Office, ngayong taon lamang nagkaroon ang 2 barangay ng mga pasyente na nagpositibo sa dengue.

Pinag-aaralan ng mga doktor ang posibilidad na ang virus ay nadala sa lugar ng isang turista.

"May bisita doon na may sakit na noon na dengue na nakagat ng lamok at doon na nagsimula na maipasa sa iba pang nakagat," sabi ni Dr. Kristine Faith Rama, medical program coordinator for dengue ng Puerto Princesa City Health Office.

Samantala, 41 na kaso ng dengue rin ang naitala mula sa mga Barangay San Pedro, 34 sa Barangay Santa Monica, at 21 sa Barangay San Miguel.

Sa tala ng Department of Health, dengue ang nagungunang sakit ngayon sa MIMAROPA.

Nangunguna ang Puerto Princesa City na may 303 kaso, habang sumunod naman ang bayan ng Quezon na nagtala ng 236 na pasyente.

Sa bayan ng Narra, 108 ang nagkaroon ng dengue, 84 sa Bataraza, 76 sa Taytay, 75 sa Brooke's Point at 61 sa Aborlan.

Umabot na rin ang sakit sa El Nido kung saan 60 tao ang sinasabing may dengue, habang may 47 ibang pasyente sa Coron.

Mayroon din 43 na nagtamo ng dengue sa bayan ng Roxas, at 38 sa Sofronip Española.

Nagpayo ang mga awtoridad na laging linisin ang kapaligiran at hanapin at sirain ang mga lugar na maaaring pamugaran ng mga lamok tulad ng mga paso at mga imbakan ng tubig.

Makakatulong din ang paglalagay ng insect repellent at misting upang maitaboy ang mga lamok. — Ulat mula kay Rex Ruta, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.