5 patay matapos makipagbarilan umano sa military checkpoint sa North Cotabato

Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2019 01:33 PM

Patay ang limang armadong lalaki matapos makipagbarilan umano sa mga sundalo sa isang checkpoint sa Barangay Inug-ug sa bayan ng Pikit, North Cotabato, Biyernes ng gabi.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sakay ng SUV ang limang lalaki na galing Poblacion, Pikit at patungong direksyon ng Pagalungan sa Maguindanao.

Paglapit sa checkpoint, bigla umanong humarurot ang sasakyan sa halip na huminto para mainspeksiyon.

Habang papalayo ay pinaputukan umano ng mga lalaki ang mga sundalong nagmamando ng checkpoint.

Agad namang gumanti ng putok ang mga sundalo at napatay ang limang suspek. Ang isa sa kanila ay pugante umano ng provincial jail ng North Cotabato.

Narekober naman sa crime scene ang samu’t saring basyo ng bala, mga armas, hand grenade at rifle grenade.

Nakuha rin sa mga suspek ang ilang pakete ng hinihinalang shabu at iba pang kagamitang may kinalaman sa ilegal na droga.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.