Presong namatay umano sa sakit, nadiskubreng hinampas sa ulo, ginulpi

ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2018 09:18 PM | Updated as of May 07 2019 04:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hustisya ang hiling ng pamilya ng isang preso na napatay umano sa loob ng Manila Police District (MPD) Station 11 ilang linggo na ang nakakaraan. 

Matapos kasing sumailalim sa post-mortem examination o autopsy ang bangkay, nalamang hindi pala septic shock ang ikinamatay ni Johnny Valiente gaya ng unang sinabi kundi blunt force trauma o pagkakapalo sa ulo at katawan. 

Base sa imbestigasyon, Hunyo 18 nang makuhanan ng CCTV sa loob mismo ng selda si Valiente na lupaypay at pinapaypayan ng kasamahan sa kulungan. 

Nang makitang hinang-hina na ito, saka lang inalerto ng mga preso ang mga pulis kaya ito inilabas para dalhin sa ospital pero hindi na siya umabot nang buhay. 
    
Ang nag-iisang kapatid ni Valiente na si Nicholas, labis ang pagkadismaya nang malaman ang rason ng kaniyang pagpanaw. 

"Maghahain ako ng reklamo para naman magkaroon ng hustisya 'yung nangyari sa kapatid ko," ani Nicholas Valiente.
    
Ayon sa MPD, tukoy na nila ang mga suspek sa pagkamatay ni Valiente, na ayon sa kanila ay mga kapwa preso rin. 

"Minsan napag-iinitan ang isang preso kasi hindi pa sila familiar sa isa't isa. Kaniya-kaniya silang ugali...May mga witness na tayo na nagsabi kung ano talaga ang nangyari sa kulungan," ani Senior Inspector Rommel Anicete, hepe ng MPD homicide division.

Pero una nang iginiit ng ilang preso noon na tahimik ang kanilang selda. 

"Walang gulo dito dahil malalagot sila sa mga pulis. Mahigpit ang mga pulis doon," ayon sa isang preso na nakausap ng ABS-CBN News. 

Inihahanda na rin ang imbestigasyon sa mga pulis na humahawak ng jail facility ng istasyon. 

"Ni-relieve na 'yung jailer at ilang naka-assign doon at iimbestigahan din kung bakit ito nangyari under their watch," paniguro ni Anicete. 

Tuloy naman ang pagtulong ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) kay Nicholas dahil magtatatlong linggo matapos mamatay ang kapatid ay hindi pa rin nailalabas sa punerarya ang bangkay nito.

Ang dasal niya ngayon ay mabigyan na ng disenteng libing at makamit ang katarungan para sa walang saysay na pagkamatay ng kapatid. 

—Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.