Buntis, tinambangan; bisikleta, sinisisi sa krimen

ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2017 06:20 PM | Updated as of Jul 06 2017 11:47 PM

Patay ang isang walong buwang buntis matapos tambangan sa Makati City dahil umano sa agawan ng isang bisikleta.

Inaresto ng pulisya si Nelson Abrazaldo na positibong kinilala ng 7 taong gulang na anak ng biktimang si Joan Fontbuena. Kasama ng biktima ang anak nang mangyari ang insidente habang naglalakad sila pauwi bandang alas-11 noong Martes ng gabi.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, tinutukan din umano ng mga suspek ang anak ng biktimang si Fontbuena.

“Sabi nu'ng bata, parang pinagpilian pa daw kung sino babarilin sa kanila,” ani Chief Inspector Gideon Ines, hepe ng Police Community Precinct-10 Makati PNP.

Nagtamo ng dalawang tama ng bala sa tiyan at binti ang biktima na agad nitong ikinamatay kasama ang dinadala niyang sanggol.

Kuwento ng kinakasama ng biktima na si Joselito Monglongat, ilang beses nang pinagbantaan ni Abrazaldo ang kanyang misis dahil ayaw pang isoli ni Fontbuena ang bisikletang isinangla sa kanila ng suspek. 

Masama ang loob ng pamilya ni Fontbuena dahil bukod sa kaanak nila, napatay din ang dinadala niyang bata. 

Tumanggi naman ang suspek sa mga paratang laban sa kanya dahil tulog umano siya nang mangyari ang insidente.

"Di ko talaga alam bakit ako tinuro nung bata. Baka dahil lagi ako sa bahay nila dati," ani Abrazaldo. 

Bukod sa awayan sa bisikleta, tinitingnan din ng Makati police kung may kinalaman sa droga ang insidente.

"Kasi dati nang may kasong drugs itong mga taong ito at nagbanta yung biktima na isumbong sila sa pulis," ani Chief Inspector Roman Salazar, hepe ng Makati City police investigation.

Bukod kay Abrazaldo, pinaghahanap din ng pulis ang isa pang lalaking kasama nito na maaaring nagsilbing lookout sa pamamaslang.

--Ulat ni Raffy Santos ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.