Pulis na isinasangkot sa droga, natagpuang patay sa Bulacan

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2016 06:43 AM | Updated as of Jul 07 2016 06:59 AM

Natagpuang nakagapos ang kamay, nakatali ang leeg at bunganga, at wala nang buhay si PO3 Michael Lee Malalad sa Meycauayan Bulacan Huwebes ng madaling araw.

MANILA – Nakagapos ang kamay, nakatali ang leeg at bunganga, at wala nang buhay na nakasandal sa poste ng ilaw ang isang kumpirmadong pulis na si PO3 Michael Lee Malalad sa isang ligaw na landas sa Barangay Ubihan, Meycauayan Bulacan.

Suot ang kanyang uniporme, nakalagay naman sa kanyang dibdib ang isang karatulang may nakasulat na: "Pulis na pusher, wag tularan."

Kung oobserbahan ang paligid, matataas ang talahib at may tubig sa paligid sapagkat ito ay isang palaisdaan.

Makipot ang sementadong kalsada, magkakalayo rin ang mga poste ng ilaw kaya talagang madilim at pinapaalalahanan ang mga motorista na bumiyahe ng maingat.

Kwento ng barangay tanod na si Policarpio Condecido, bandang 1 a.m. ng itawag ng isang napadaang motorista sa kanilang himpilan ang nakitang lalaki sa ligaw na landas.

Agad silang pumunta sa lugar at naobserbahang patay na ang lalaki, saka tinawag ang Meycauayan Police.

Bandang 3 a.m. ng madaling araw dumating ang SOCO at mga imbestigador. Doon ay kinumpirma nila ang aydentipikasyon ng pulis na si Malalad. Dati raw ay naka-assign ito sa Malolos PNP.

Malambot pa ang katawan ng pulis at ayon sa SOCO, wala pang isang araw siyang patay.

Nang siyasatin, narekober sa pulis ang dalawang cellphone at wallet na may lamang mga ID.

Hindi pa tiyak kung ano ang naging sanhi ng pagkamatay ng lalaki, pero nakita ng SOCO ang sugat sa kanyang ulunang bahagi.

Wala pa ring opisyal na pahayag ang Meycauayan PNP sa mga oras na ito. Hindi pa rin lumalantad ang pamilya ng pulis.