PatrolPH

Pananim ng ilang magsasaka sa Bulacan nasira; mas murang pataba hiniling

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2022 02:02 PM

Watch more News on iWantTFC

Labis ang panghihinayang ng ilang magsasaka sa San Ildefonso, Bulacan matapos masira ang mga pananim nilang siling labuyo at mais dahil sa sunod-sunod na pag-ulan.

Kasama rito si Ronaldo Bernardo na ilang buwan umanong inalagaan ang mga pananim na sinira ng mga buhos ng ulan kamakailan.

"Nasira 'yong bunga... Sa panahon daw, kapag maulang ganito. Pero kapag hindi maulan, maganda naman. Kaya lang, ang presyo ang bagsak," ani Bernardo.

"Tiis-tiis na lang. Pinakamhirap ang magsaka. Lahat ng bilihin namin, mataas [pero] kapag kami ang magbebenta, wala na, mababa," dagdag niya.

Bukod sa panahon, problema rin ng mga magsasaka ngayon ang tumataas na presyo ng pataba.

Halos P30,000 ang nagagastos ng magsasakang si Ronaldo Cortez para lang sa pataba.

Pero ang kita sa benta ng kaniyang mga pananim gaya ng palay ay kulang pa para mabawi ang pinuhunan.

Malaki rin aniya ang nalugi sa kaniya matapos kainin ng mga uod ang mga pananim niyang mais.

"'Yon ang gusto namin mababa, 'yong [presyo ng] mga gamit sa bukid," apela ni Cortez sa pamahalaan.

Ipinaliwanag naman ng ilang middleman o biyahero na hindi nila kayang taasan ang binabayad nila sa mga magsasaka dahil na rin sa taas ng gastusin sa toll at gasolina.

Ilan lamang ang mga nabanggit sa mga problemang kakaharapin ng papasok na administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na magsisilbi ring kalihim ng Department of Agriculture (DA). 

Nitong Lunes, pinangunahanan na ni Marcos ang isang pulong kasama ang mga opisyal ng DA.

— Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.