PatrolPH

ALAMIN: Paano nakukuha ang P500 ayuda mula sa pamahalaan

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2022 04:56 PM | Updated as of Jul 05 2022 08:37 PM

 Isa ang barangay clerk na si Aleja Salvacion sa mga nakatanggap ng P500 buwanang ayuda sa ilalim ng targeted cash transfer. Jervis Manahan, ABS-CBN News
Isa ang barangay clerk na si Aleja Salvacion sa mga nakatanggap ng P500 buwanang ayuda sa ilalim ng targeted cash transfer. Jervis Manahan, ABS-CBN News

Nagulat ang barangay clerk na si Aleja Salvacion nang may biglang pumasok na P1,000 sa cash card niya sa Landbank noong isang linggo.

Unang tranche o bugso pala ito ng targeted cash transfer, ang ayuda na sinimulan ng Duterte administration para matulungan ang mga mahihirap na Pilipino ngayong tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Nasa P500 kada buwan mula Abril ang natanggap ni Salvacion bilang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Pumasok na ang unang 2 buwan.

"Naging malaking tulong siya kasi biglaan siyang dumating, lalo ngayon taas ng mga bilihin, so nakatulong, naipandagdag sa bilihin," ani Salvacion.

Pero hindi lang mga 4Ps beneficiary ang makakatanggap ng ayuda.

Sa ilalim ng targeted cash transfer, higit 12 milyong benepisyaryo ang makakakuha ng pinansiyal na ayuda.

Ito ang mga pamilya o indibidwal na dati nang natukoy ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na kasama sa pinakamahihirap na sektor ng populasyon.

Watch more News on iWantTFC

Apat na milyon dito ang 4Ps beneficiary, 6 milyon naman ang dating benepisyaryo ng Unconditional Cash Transfer program at social pensioner, habang 2.4 milyon naman ang nasa listahan ng DSWD ng mga taong mahirap pero hindi nakasama sa unang 2 kategorya.

Kung kabilang sa listahan, kusang papasok sa Landbank cash card ang pera. Ibig sabihin ay hindi na kailangang mag-apply o pumila para makuha ito.

Kung walang cash card, may ibang paraan para makuha ang ayuda.

"Ang DSWD ay magpo-provide ng payroll sa Landbank, then Landbank will credit 'yong cash transfer or maaaring mag-tap ng other banks or remittance centers or through special disbursing officer ng DSWD, particularly to areas that are geographically isolated," paliwanag ni DSWD spokesperson Irene Dumlao.

Nasa P6.2 bilyon ang paunang pondong inilabas para sa programa kaya nasa 6 milyong benepisyaryo pa lang ang nakakatanggap.

"Para sa mga susunod pa na P500 cash transfer, antabayanan lang ang anunsyo na ilalabas ng ating pamahalaan dahil tayo ay kasalukuyang nakikipag-ugnayan sa Department of Budget and Management sa karagdagang pondo para dito," ani Dumlao.

Anim na buwan o hanggang Setyembre ang targeted cash transfer, na pangangasiwaan ng DSWD.

Sa mga pamilyang hindi nakalista bilang benepisyaryo, may ibang programa ang ahensiya gaya ng assistance to individuals in crisis situations.

Wala pang petsa kung kailan papasok ang pangalawa at pangatlong tranche ng ayuda.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.