Mga Pinoy sa Sokor, umaalalay sa mga Pinoy iskolar

Joeffrey Maddatu Calimag | TFC News South Korea

Posted at Jul 05 2022 10:52 AM

Watch more News on iWantTFC

SOUTH KOREA --Umaalalay sa mga Pinoy scholar sa South Korea ang isang grupong naglalayong mapagaan ang mga hinaharap na hamon ng mga Pinoy bilang dayuhan.

Malaking tulong sa mga Pinoy ang iba-ibang grupo at organisasyong umaalalay sa kanilang pamumuhay sa Sokor at isa sa mga ito ang grupo para sa mga estudyante na PIKO o Pinoy Iskolars sa Korea.

Isa sa layunin ng aming organisasyon ang pagsusulong ng pagkakakilanlan, kultura, at turismo ng Pilipino sa internasyonal na komunidad sa pakikipagtulungan sa Embahada ng Pilipinas sa Seoul at sa iba pang Filipino organizations,” pahayag ni Joseph Vermont Bandoy, President ng Pinoy Iskolars sa Korea.

PhD student sa Urban Engineering sa Chung-Ang University ang Pilipinang si Caryl Anne Macaraig-Barquilla. Malaki ang kanyang pasasalamat sa pag-alalay sa kanya ng mga kapwa Pinoy at marami aniyang benepisyo natatanggap ang mga gaya niyang iskolar sa pagsasama-sama at pagkakaisa ng mga Pinoy.

Dito pumapasok yung role ng Pinoy Iskolars sa Korea organization kung saan tinutulungan nila kami kung papano mamuhay mag-isa. Binibigyan kami ng tips at tinutulungan kami kapag kailangan namin.

Another reward is nagiging exposed kami sa mga iba-ibang opportunities tulad ng mga seminar, conferences,” kwento ni Macaraig-Barquilla.

Sa unang pagkakataon mula nang pumutok ang pandemya, nagsagawa ng pagtitipon ang PIKO sa Embahada nitong buwan ng Hunyo kung saan dumalo ang 25 Pinoy scholars at panauhing pandangal si Ambassador Theresa Dizon-De Vega.

Kaakibat ng kanilang pasasalamat, umaasa ang mga Pinoy scholar sa Sokor na marami pa nating kababayan ang matutulungan ng PIKO habang patuloy din silang nagpupursige para sa sarili at sa bayan.

Para sa iba pang ulat patungkol sa mga Pilipino sa iba't ibang bahagi ng mundo, panoorin at tumutok sa TFC News sa TV Patrol.