PatrolPH

Para magpakain ng isda: 'Window hours' para sa Taal fishers pinag-aaralan

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2021 06:17 PM

MAYNILA — Pinag-uusapan na ng Batangas provincial government ang pagpapatupad ng window hours para sa mga mangingisda sa lawa ng Taal.
    
Ani Batangas Provincial Disaster Risk Reduction Management Office chief Joselito Castro, malaki ang industriya ng pangingisda sa Taal kaya hindi ito maaaring pabayaan sa gitna ng pag-aalboroto ng bulkan.

Sa ngayon, nagbibigay ang ilang LGU ng pass pero may mga nagpupumilit na lumusot para magpakain ng kanilang mga alaga.

"Kahit kahapon, nanghahabol pa nga po ang Coast Guard natin doon sa talagang mga lumulusot. Pinag-uusapan nga po ngayon, kung saka-sakaling may paghupa ang aktibidad ng bulkan, kung mabibigyan ng window hour, kasi ito pinapakain po araw-araw ang mga isdang ito," ani Castro.

Nagbukas naman ng dagdag na evacuation center sa 2 bayan sa Batangas para sa inililikas malapit sa bulkang Taal.        
    
Ayon kay Castro, tuloy-tuloy pa rin ang paglikas lalo't Linggo nang naitala ang pinakamataas na record ng binugang sulfur dioxide ng bulkan na umabot sa mahigit 22,000 tons.

Tiniyak ng Batangas PDRRMO na nakahanda sa worst case ang mga lokal na pamahalaan, at inihanda na ang evacuation centers sa ibang distrito para maiwasan ang siksikan.
    
Sa ngayon, isa hanggang dalawang pamilya lang ang nasa isang kuwarto.    
    
KAUGNAY NA VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.