MAYNILA — Sinimulan nitong Lunes ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga Taal Volcano evacuees sa mga bayan ng Agoncillo at Laurel sa Batangas gamit ang Sinovac vaccine.
Dinagdagan ng Department of Health (DOH) ang alokasyon para maturukan agad ang mga lumikas na mga residente dahil sa pag-aalboroto ng Bulkang Taal.
Tinatayang nasa 130 ang nabakunahan sa Agoncillo.
Gayunpaman, may mga nagdadalawang isip pa na magpaturok.
"Natatakot po dahil sa mga nababalitaan na mahina ang kondisyon ng katawan... Iniisip namin, nagpaturok kami, nakaligtas nga sa putok ng bulkan, mamaya sa vaccine hindi nakaligtas," pangamba ni Daisy Agoho, evacuee.
Samantala, 50 naman ang naturukan sa Laurel. Bukod sa mga lumikas, binakunahan na rin ang mga responders at mga guro na namamahala sa mga evacuation center.
Ayon sa DOH, dapat hikayatin nang mabuti ang mga umaayaw sa COVID-19 vaccine.
Bukod sa mga bakuna, nagpadala na rin ang DOH ng mga antigen test kits.
Payo ng DOH sa mga LGU, ipatupad ang health protocols gaya ng distansiya ng bawat pamilya, maayos na bentilasyon, at palaging pagsusuot ng face mask.
IBA PANG SAKIT
Bukod naman sa COVID-19, may iba pang banta sa kalusugan na mino-monitor ang pamahalaan.
Marami ang humingi ng atensiyong medikal sa Ticub Elementary School, isa sa mga evacuation site sa Laurel, kung saan dinala ang mga residente sa Barangay Bugaan East.
Nasa 33 ang nakaranas ng ubo, sipon, at lagnat, kabilang ang anim na mga bata, pero nagnegatibo naman sila sa COVID-19 at nabigyan na ng gamot.
Sa datos sa DOH, acute respiratory infection ang kadalasang ikinokonsulta sa mga doktor, gayundin ang pre-natal issues, pananakit ng katawan, diarrhea, at pananakit ng ulo.
Pinapalakas na umano ng probinsiya ang testing lalo't halos parehas ang sintomas ng COVID-19 sa epekto ng sulfur dioxide.
Naitala noong Linggo ang pinakamataas na ibinugang sulfur dioxide ng bulkan na 22,628 tonelada.
"Asthmatics should be very much aware and take precautions. We need to wear protective equipment if in areas with high concentration of sulfur dioxide or ash," ani Dr. Voltaire Guadalupe ng DOH Region 4A-Center for Human Development.
Pinag-iingat din ang publiko sa dengue ngayong tag-ulan.
—Ulat nina Dennis Datu at Michael Joe Delizo, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, Taal, alert level 3, Taal Volcano, Taal news, Phivolcs, evacuation, bulkan, Bulkang Taal, eruption, volcanic eruption, Batangas, Laurel, Agoncillo, bakuna, sulfur dioxide, ash, vaccine, Taal vaccine, TV PATROL, TV PATROL TOP, Dennis Datu, Michael Delizo