PatrolPH

Road rage, trabaho sinisilip na anggulo sa pagpatay sa 2 lalaki sa Quezon

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2020 04:20 PM | Updated as of Jul 05 2020 04:31 PM

Posibleng road rage o may kinalaman sa trabaho ang dahilan ng pagpatay sa isang truck driver at pahinante sa bayan ng Sariaya, Quezon, ayon sa pulisya.

Noong hapon ng Huwebes, 2 armadong lalaki ang bumaba mula sa isang sasakyan sa tapat ng isang gotohan sa bayan saka pinagbabaril ang driver at pahinanteng kumakain doon.

"Medyo ma-ano lang kung road rage. Medyo parang mababaw," ani Police Lt. Col. William Angaway Jr. ng Sariaya police.

"So baka sa trabaho nila, 'yong company. 'Yon ang tinitingnan namin," dagdag niya.

Kinilala ang biktimang driver bilang si Julieto Sanoria, 46 at taga-Bataan, habang ang pahinante naman ay ang kaniyang pamagnking si Charlemagne Manuseto, na taga-Quirino province.

Narekober sa crime scene ang 16 basyo ng kalibre 9-mm na baril, 9 na basyo ng kalibre .45 na baril, at 3 basyo mula sa hindi pa natutukoy na baril.

Galing Calaca, Batangas ang mga biktima at patungo sana sa Leyte para magdala ng mga aspalto.

Nakatakas naman ang mga suspek patungo sa direksiyon ng Lucena City.

Patuloy naman ang imbestigasyon sa insidente habang paiigtingin din ang police visibility sa lugar.

-- Ulat ni April Magpantay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.