MMDA handa para maiwasan ang pagbaha ngayong tag-ulan

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2020 03:26 PM

MAYNILA — Handa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para maiwasan ang pagbaha sa capital region ngayong panahon ng tag-ulan.

Sa online media forum ngayong Linggo, sinabi ni MMDA Assistant Secretary Celine Pialago na operational ngayon ang higit 62 pumping station para makontrol ang flood level sa mga tukoy na flood-prone areas.

Tuloy-tuloy din daw ang paglilinis sa mga drainage at estero kahit sa panahon ng quarantine period. 

Ilang lugar sa Metro Manila ang binaha ng hanggang gutter deep (8 inches) hapon ng Sabado dahil sa malakas na pag-ulan dala ng thunderstorm. 

Bagaman bumaha, sinabi ni Pialago na mabilis namang bumaba ang tubig dahil sa mga pumping station. 

“Lahat naman po iyan operational. Hindi na po natin maiiwasan ang pagbaha. Pero kung noon po ay tumatagal ang pagbaha ng 2 hanggang 3 oras, kagabi po sa experience po natin, (kahit) malakas-lakas ang pag-ulan no’n ay nag-subside po ang tubig-baha in just 35 minutes. So may improvement po,” ani Pialago. 

Nauna nang sinabi sa TeleRadyo ni PAGASA weather specialist Samuel Duran na posibleng 2 hanggang 3 bagyo ang pumasok sa Philippine area of responsibility sa buwan ng Hulyo. 

Nasa mga buwan ng Hulyo hanggang Oktubre ang typhoon season sa bansa, kung saan nasa 70 porsyento ng mga bagyo ang namumuo, ayon sa weather bureau. 

“Makakaasa po kayo na kahit papano, wala pong dapat ipag-alala dahil po ang pag-subside ng tubig-baha ay mame-maintain natin to 30 to at least 45 minutes,” ani Pialago.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.