Mambabatas umaasang pabor sa ABS-CBN ang botohan sa franchise

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2020 04:03 PM

MAYNILA - Umaasa ang isang mambabatas na may sapat nang batayan para sa wakas ay magbotohan na ang Kamara tungo sa pag-apruba sa aplikasyon ng ABS-CBN Corp para sa isang bagong legislative franchise. 

Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, nakalipas na ang 11 pagdinig sa prangkisa ng ABS-CBN pero wala namang napatunayang paglabag ang network. 

“Historic itong hearing na ito. Ito na yata ang for the first time sa kasaysayan ng Kongreso ang pinakamahabang pagdinig sa isang prangkisa," ani Zarate sa isang virtual press briefing ngayong Linggo.

"Minsan isa, dalawang hearing lang iyan. At ang hearing nga, hindi umaabot ng kalahating araw. Minsan ilang minuto lang, tapos na, pasado na agad,” dagdag niya.

Nakatakda sa Lunes ang ika-12 pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises at Committee on Good Government, kung saan nauna nang sinabi ni Rep. Franz Alvarez na posibleng magbotohan na ang mga kongresista patungkol sa prangkisa ng media giant.

“Lahat ng issue ay binuksan na diyan at nasagot na rin. At may sapat nang batayan ang miyembro ng Committee on Legislative Franchises na bumoto. At this point siguro, talagang natitimbang na ng mga miyembro na merong batayan na bigyan muli ng pagkakataon ang ABS-CBN Broadcasting betwork na magkaroon ng prangkisa para maipagpatuloy nito ang kanyang pagsisilbi sa mamamayan,” sabi ni Zarate. 

Isinusulong ni Zarate ang pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN para sa kapakanan ng 11,000 manggagawa na posibleng madagdag sa mga mawawalan ng trabaho sa panahong bagsak ang ekonomiya dahil sa COVID-19 pandemic. 

“Kung ’yung ibang tao, they can say, ‘We can live without ABS-CBN,’ fine with them. But for the 11,000, hindi sila puwedeng mabuhay nang wala ang ABS-CBN bilang nagbibigay ng hanapbuhay sa kanila,” giit ni Zarate. 

“’Yung mga constitutional issues, sa hinaba-haba ng diskusyon ay wala namang napatunayan na may nalabag.”

Sakaling mabigyan ng prangkisa ang ABS-CBN, umaasa si Zarate na tutugunan ng kumpanya ang mga naungkat na isyu ng mga mangagagawa, tulad ng regularisasyon.

Samantala, naniniwala si Zarate na dapat managot ang National Telecommunications Commission (NTC) sa pagpapahinto ng broadcast operation ng ABS-CBN habang dinidinig pa sa Kongreso ang aplikasyon sa prangkisa nito. 

Kinuwestiyon ni Zarate kung bakit ang ibang network na dinidinig din ang aplikasyon ay pinayagan namang sumahimpapawid kahit paso na ang prangkisa. 

“Sini-single out nila ang ABS-CBN samantalang sa Committee on Legislative Franchises ngayon, as we speak now, siguro may mga 15 diyan na pending na franchises na paso na rin pero umeere pa rin ’yung may-ari ng mga prangkisa na ’yan,” ani Zarate.

“Hindi pa inaksyunan ng Kumite ’yung kanilang application…Pabayaan natin dahil nirerespeto mo ’yung process dapat ng Congress habang hindi pa inaakysunan, hindi pa niya nire-reject.”