PatrolPH

TINGNAN: Floating school sa Davao del Sur

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2019 10:41 AM

TINGNAN: Floating school sa Davao del Sur 1

MALALAG, Davao del Sur - Nagsisilbing paaralan ng 50 trabahador ang floating cottage sa laot ng Malalag Bay sa nasabing bayan.

Kailangan pa nilang bumiyahe ng 15-minuto sakay ang motorized banca para makarating sa floating school kung saan nagaaral sila sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education (DepEd).

Pagod man sa trabaho sa fish cages, naglalaan pa rin sila ng oras para matutong magsulat at magbasa. Karamihan sa kanila nasa advanced elementary at secondary level na.

Isa sa walong estudyante na nag-aaral ng Basic Education Learning ang 41-anyos na si Jovelito Lantayuna.

TINGNAN: Floating school sa Davao del Sur 2

One-on-One ang pagturo sa kanila kaya't laking tuwa na lamang nito na sa loob ng isang buwan ay natuto na siyang magsulat ng kaniyang kumpletong pangalan sa tulong na rin ng kaniyang Grade 3 at 4 na mga anak.

Layon ng DepEd na sa pamamagitan ng ALS ay mailapit sa komunidad ang edukasyon para sa mga hindi nakapagtapos ng pag-aaral.

Malaki rin ang pasasalamat ng DepEd sa mga nagmamay-ari ng fish cages dahil sa suporta na kanilang ibinigay sa kanilang mga trabahador.

Target ng DepEd na mabigyan ng diploma ang kahit kalahati man lang sa mga trabahador ng fish cages na halos aabot ng 300.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.