Mga labi ng binaril na Grade 7 student sa Laguna, nakaburol na

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2019 04:38 AM | Updated as of Jul 05 2019 07:05 AM

Ernie Manio, ABS-CBN News

LAGUNA—Dinala na sa kanilang bahay ang mga labi ng Grade 7 student na binaril sa loob ng paaralan sa Calamba, Laguna.

Sinariwa ng mga mahal sa buhay ang magagandang katangain ng 15 anyos na biktima habang buhos ang pakikiramay sa pamilya sa Barangay Pansol.

Ayon sa lola ng biktima, malambing at maaalahanin ang binatilyo.

"Palagi 'yan nagtatanong, 'Lola, anong gusto mong almusal?'" aniya.

Kuwento naman ng pinsan ng biktima, pangarap ng binatilyo na maging isang pulis.

"Gusto raw kasi niyang maging bayani," aniya.

Patay na ang ama ng biktima habang nakakulong ang ina nito dahil sa droga. Nitong darating na Sabado, bibisitahin na sana ng biktima ang kaniyang ina sa kulungan.

"Nami-miss din niya ang kaniyang ina," ayon sa lola nito.

Tinutugis na ng mga pulis ang suspek na kinilalang si Renz Ivan Valderama na nagtatrabaho bilang security guard sa isang resort sa Laguna.

"Baka may girlfriend na itong victim. Possibly itong suspek, hindi ma-control ang emotions niya, nagselos kaya nabaril niya itong bata," ani Police Lt. Col Jack Malinao, hepe ng Calamba police.

Nasabi rin ng isang kaibigan ng biktima na may banta na sa buhay ng binatilyo at pinigilan siyang pumasok sa paaralan, pero nagpumulit ito.

"Kung sana hindi siya pumasok nung araw na 'yun, hindi nangyari ito," aniya.

May nakahanda namang programa ang Department of Education (DepEd) para sa mga estudyanteng nakakita sa pangyayari.

"What we will do is really find the victim at 'yun pong mga witnesses. Kasi kailangan po namin 'yang masuyod at mabigyan ng psychological intervention," ani Undersecretary Annalyn Sevilla, tagapagsalita ng DepEd.

Watch more in iWant or TFC.tv

Naghigpit na ng seguridad ang paaralan. Pinagbabawalan na rin ang mga magulang sa pagdadala ng mga baon tuwing lunch time.

Nangyari ang pamamaril nitong Huwebes habang lunch break ang mga estudyante ng Castor Alviar National High School.

Sa kuha ng CCTV ng paaralan, kita ang pagtakas ng suspek na nakasuot ng pulang sombrero at may dalang itim na bag.

Dinala pa sa ospital ang biktima, pero binawian din ito ng buhay dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo.—Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.