PatrolPH

Megamouth shark namatay matapos umanong sumabit sa lambat

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2019 05:47 PM

Megamouth shark namatay matapos umanong sumabit sa lambat 1
Nakatay na ang megamouth shark nang madatnan ng mga tauhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa Cagayan de Oro. Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

CAGAYAN DE ORO CITY—Pinagkaguluhan ng mga residente sa Barangay Tablon ang isang malaking isda na nalambat ng isang mangingisda, Biyernes ng umaga.

"Paghila ko, mabigat ang lambat. Hindi ko inakala na malaking isda pala ang nalambat ko," ayon sa mangingisda.

Dagdag ng mangingisda na posibleng namatay ang isda dahil nalulon nito ang kaniyang lambat kaya kinatay nila ito para makuha ang lambat.

Kinumpirma ng taga Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na isa itong klase ng pating na tinatawag na megamouth shark.

Tinataya ng BFAR na aabot sa 10 talampakan ang haba at 3 talampakan ang lapad ng pating na tumitimbang ng 400 kilo.

Ayon sa BFAR, paboritong kainin ng megamouth shark ang maliliit na klase ng isda, plankton at hipon.

"Hindi siya mapanganib sa tao pero inaalam pa namin kung bakit umabot sa mababaw na parte ng dagat at nalambat ang isda," ayon kay fishing-regulation officer Cherly Magante.

Pero ang ipinagtaka ng BFAR kung bakit kinatay ang isda na kinonsiderang endangered species.

Putol na ang katawan nito at wala na ang buntot ng isda nang kanilang madatnan.

Base sa Philippine Fisheries Code, mahigpit na ipinagbabawal ang pagkatay ng mga endangered species ng isda gaya ng megamouth shark.

Bukod sa P500,000 hanggang P5 milyon multa, maaari ring makulong ng 18 o 20 taon ang sinumang mahuhuli lumalabag sa batas.

Panawagan ng BFAR sa publiko na agad ipagbigay-alam sa kanilang opisina kung sakaling may makikitang ganitong uri ng isda.

Plano ng BFAR na ilibing ang mga naiwang bahagi ng megamouth shark para hindi ito mapakinabangan at kainin ng mga residente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.