'Binaril na Grade 7 student, dati nang hinalay ng suspek'

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2019 08:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dati na umanong kinasuhan ng Grade 7 na pinaslang sa sariling paaralan sa Calamba ang suspek, ayon sa kaanak ng biktima.

Ayon sa tita ng biktima na si "Maribeth," kinasuhan ng biktima nitong Martes ng sexual abuse kaugnay ng Republic Act 7610 ang suspek na si Renando Valderama, dalawang araw bago mapaslang ang biktima.

Si Valderama ang itinuturong salarin sa pagpatay sa estudyante nang pumasok ito sa loob ng silid-aralan ng biktima at binaril ito nang dalawang beses.

Ayon sa affidavit, hinalay umano ng suspek ang biktima mula Marso hanggang Hunyo.

Hindi naman itinanggi ng pamilya ng biktima ang relasyon ng dalawa at nangako naman daw ang suspek na tutulungan sa pag-aaral ang biktima.

Pero noong nakaraang buwan, nakipaghiwalay na raw ang biktima kay Valderama.

"Hindi na niya kinaya ang ginawang panghahalay sa kaniya," kuwento ni Maribeth.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang hot pursuit operation ng mga pulis laban kay Valderama.

Namonitor umano ng pulisya ang galaw ng suspek sa pamamagitan ng Facebook account nito.

Sa isang FB post, humigi raw ng tawad si Valderama sa biktima at sumagot pa sa tanong ng isang nagko-comment kung bakit niya pinatay ang biktima.

Ayon kay Lt. Col. Jacinto Malinao Jr., hepe ng Calamba City police, galit at selos ang tinitingnan nilang motibo sa krimen.

Humugot pa umano ang suspek sa kaniyang Facebook na nagpapahiwatig ng labis na pagkabigo sa pag-ibig.

Dati nang nakulong noong 2017 ang suspek dahil sa kasong theft at natuklasan din ng mga pulis na gumagamit ang suspek ng iba´t ibang pangalan at address.
 
Naniniwala ang Calamba City Police na hindi pa nakakalayo ang suspek. Pinag-iingat ang publiko laban sa suspek na inilarawang armed and dangerous.

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, iimbestigahan na ng lokal na pamahalaan ng Calamba kung nagkaroon ng pagkukulang sa seguridad ng paaralan nang mangyari ang pamamaril, ayon sa alkaldeng si Justin Chipeco.

Ikinalungkot din ng Department of Education ang nangyari pero para sa kanila, “isolated case” lamang ito at hindi dapat sisihin ang paaralan sa insidente.

"Known as guardian ang suspek kaya ang presence sa eskuwelahan did not give any doubtful remarks sa mga nakakita," ani DepEd spokesperson Annalyn Sevilla.

Aminado rin si Sevilla na kulang sa pondo para sa seguridad ang ahensiya at 50 porsiyento lamang ng mga pampublikong paaralan ang may mga guwardiya.

"Maybe this is one of the crisis ng education ngayon. We are now checking all security measures that we can still improve," ani Sevilla.

Nakatakda muling pumasok ang mga estudyante ng paaralan sa Lunes.

Tiniyak din ng DepEd na isasailalim sa debriefing ang mga mag-aaral at guro para malagpasan ang insidente.

--Ulat nina Jasmin Romero at Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.