Puwesto ng gunman sa Halili slay, kumpirmado na

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2018 04:12 PM | Updated as of Jul 02 2019 12:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kumpirmado na ang lokasyon ng gunman nang patayin nito si Tanauan City Mayor Antonio Halili sa kalagitnaan ng flag ceremony noong Lunes.

Huwebes nang isagawa ng Philippine National Police (PNP) ang reenactment ng naturang insidente sa mismong crime scene.

Pagpatak ng alas-8:10 ng umaga, pinatugtog ang Lupang Hinirang at ipinuwesto ang isang dummy na siyang nagpanggap na si Halili. 

Nakalinya rin ang ilang personnel ng pulisya na sila ring magpapanggap na mga konsehal at vice mayor ng lungsod.

Matapos ito, sinimulan na ng PNP Crime Laboratory ang pagsusukat ng aerial distance sa pagitan ng pinaniniwalang posisyon ng gunman at ng tama ng bala kay Halili.

Sa pamamagitan ng distansiya at anggulong sinukat, kumpirmado na ng Special Task Group Halili na ito nga ang lugar na pinuwestuhan ng gunman. 

Nakita na rin ng mga pulis ang basyo ng balang ginamit ng salarin.

Isasailalim na ito sa eksaminasyon para matukoy kung may records ito sa PNP at kung sino ang posibleng nagmamay-ari nito. 

Bukod naman sa nakitang empty shell, tinitingnan na rin ng pulisya ang posibilidad na may kasama ang gunman nang gawin ang krimen dahil sa lawak ng distortion ng mga damo sa lugar. 

Matapos ang reenactment, umaasa ang pulisya na ito ang magiging susi para matukoy ang dinaanan ng salarin at ang pagkakakilanlan nito.

—Ulat ni Fay Virrey, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.