Hepe ng Hagonoy police, sibak matapos magpamasahe sa inmate

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2018 10:20 PM | Updated as of May 06 2019 11:43 AM

Watch more in iWantTFC

Sinibak sa puwesto nitong Huwebes ang hepe ng pulisya sa bayan ng Hagonoy, Bulacan matapos umanong palabasin sa selda ang isang babaeng inmate para maging personal niyang masahista.

Inireklamo ng magulang ng babaeng inmate si Hagonoy police chief Superintendent Lorenzo Kim Cobre matapos umanong palabasin ng hepe sa selda ang dalaga para magbigay sa kaniya ng masahe sa kaniyang kuwarto. 

Hindi itinanggi ni Cobre ang pagpapamasahe sa dalaga nang magkausap sila sa telepono ni Bulacan police director Senior Superintendent Chito Bersaluna. 

"Paggamit ng personal services sa isang detenado, bawal po iyon," ani Bersaluna.

Bukod kay Cobre, inalis din sa puwesto ang jail officer na naka-duty nang mangyari ang insidente.

Sinibukan ng ABS-CBN News na makapanayam si Cobre pero hindi ito tumutugon.

Kuwento ng inmate na si alyas "Jonah," bukod sa pagmasahe, nagbitiw pa raw ng mga biro si Cobre na nagdulot sa kaniya ng pakiramdam ng pangamba.

"Noong minamasahe ko po 'yong likod niya, nagbibiro siya, sabi niya 'Sanay ka na bang kumapa?' Sabi ko, 'Ano pong kapa?' E di tinigilan ko 'yong paghihilot," ani Jonah.

Pero ayon sa ina ni Jonah, pinangangambahan nila ang kaligtasan ng dalaga sa kulungan, lalo at hindi lang daw masahe ang pinagawa ng hepe.

Mayo 16 nang makulong si Jonah dahil sa kasong droga. Hinihintay pa rin ang desisyon ng piskalya sa kaso.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Itinalaga na bilang bagong hepe ng Hagonoy si Superintendent Satur Ediong, na dating hepe ng Provincial Investigation and Detective Management Branch ng Bulacan.

--Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.