Mag-asawang gumagawa umano ng pekeng plaka, timbog

Angel Movido, ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2017 11:50 AM | Updated as of Jul 05 2017 03:23 PM

MAYNILA - Timbog ang mag-asawang umano'y gumagawa ng mga pekeng plaka ng sasakyan sa isang bahay sa Barangay Bagong Silangan, Quezon City, Miyerkoles ng umaga.

Kinilala ang mga suspek na sina Kristine at Jaycel Alcantara na naaresto sa raid na isinagawa ng Quezon City Police District Special Operations unit at Land Transportation Office.

Tumambad sa mga operatiba ang 35 plaka, 33 aluminum sheets, mahigit 100 car stickers, at iba pang mga gamit sa paggawa ng plaka.

Napag-alamang nakakabenta pa ng mga pekeng plaka ang mag-asawa sa mga kliyente nila sa social media, partikular na sa Facebook.

Aabot sa 12,000 aluminum sheets ang nawala sa LTO nitong nakaraang taon, ayon sa consultant ng ahensiya na si Renato Laurinaria, bagay na iniimbestigahan ng mga awtoridad.

Sa isang aluminum sheet lang, aabot sa walong plaka ng kotse o 20 plaka ng motorsiklo ang puwedeng magawa, dagdag ni Laurinaria.

Depensa naman ng mga suspek, hindi nila alam na ilegal ang kanilang negosyo at iginiit pang iba sa ginagamit ng LTO ang materyales na kanilang ginagamit.

Dagdag pa ng mag-asawa, ginagawa lang umano nila ang mga plaka sa mga indibidwal na wala pang isyu ng plaka mula sa LTO.

Ayon naman kay QCPD Director Supt. Guillermo Eleazar, posibleng mga miyemebro ng sindikatong nagnanakaw ng mga sasakyan ang kadalasang kliyente ng mga suspek.

Gayumpaman, sa kabila ng pagkalat ng mga pamemeke sa mga sticker at plaka ng mga sasakyan, sinabi ni Eleazar na bumaba na ng hanggang 75% ang kaso ng carjacking sa lungsod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.