Isang dawit sa Bulacan massacre, todas sa pamamaril

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2017 08:07 PM | Updated as of Jul 06 2017 04:53 AM

Matapos matagpuang patay ang isang suspek sa Bulacan massacre kahapon, isa na namang 'person of interest' ang pinagbabaril at napatay ng dalawang lalaki sa loob mismo ng kanilang bahay sa Northridge Royale, San Jose del Monte, Bulacan kaninang umaga ng Miyerkoles.

Pinasok ng dalawang lalaking nakatakip ang mukha ang bahay ni Rosevelth Sorima alyas 'Ponga' at pinagbabaril ang biktima.

Nagluluto si 'Ponga' noon samantalang nasa sala naman ang kanyang pamilya na noo'y naghihintay ng balita sa nawawala pa nilang kaanak na si Alvin Mabesa.

Naghihinagpis ang nanay at kapatid ng biktima nang abutan ito ng ABS-CBN News team sa ospital ilang minuto matapos pumanaw ang biktima.

"Hindi ko po lubos akalain. Wala namang kasalanan ang anak ko. Sabi nila, 'wag tatakbo. Mamamatay kayo," ayon kay Rosario Sorima, ina ng biktima.

Eksklusibo pang nakapanayam kahapon ng ABS-CBN News ang napatay na 'person of interest' na noo'y nangangamba para sa kanyang kaligtasan.

"Gusto ko lang po sabihin na pati pangalan ko ay dinadamay pa nila. Wala naman po ako kinalaman doon," ayon kay Ponga kahapon.

Ipinakita naman ng pamilya ang isa sa huling larawan ni Sorima na nagpa-picture pa kay Philippine National Police Director General Chief Ronald dela Rosa nang ito ay dumalaw kahapon sa burol ng pamilya ng mga minasaker.

Dahil sa nangyari, pinababantayan na ng Bulacan PNP ang lahat ng 'persons of interest' nila sa kaso.

"Ayaw po namin ang nangyaring 'yan. Pababantayan po namin mga 'persons of interest' na 'yan," ayon kay Senior Supt. Romeo Caramat.

Sa ngayon, pinaghahanap pa rin ang isa pang 'person of interest' sa kaso na si Alvin Mabesa na dinukot umano noong Biyernes, habang wala pa ring tao sa bahay ni alyas 'Tony' na isa rin sa mga 'persons of interest'.

"Wala na rin akong nararamdaman tungkol sa kanila. Hindi rin naman maibabalik ang buhay ng pamilya ko," ayon kay Dexter Carlos Sr., padre de pamilya ng mga biktima ng masaker.

Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon sa kaso ang National Bureau of Investigation.

Mga labi ng pamilyang biktima ng masaker, nailibing na

Samantala, naihatid na sa kanilang huling hantungan ang mga labi ng mga biktima ng Bulacan massacre.

Pasado alas-7 ng umaga nang dalhin sa simbahan ang mga labi ng limang magkakaanak na minasaker sa Bulacan.

Katarungan at pagbabalik ng death penalty ang sigaw ng mga kapamilya at malalapit na kaibigang dumalo sa huling misa bago ang libing.

"Di ko lubos na maisip kung bakit sa akin nangyari ito. At kung ano ang salarin at kung bakit nagawa nila ang karumal-dumal na pangyayaring ito. Ito ba ay isang parusa sa akin? Galit ba ang diyos sa akin? O isang pagsubok?" hinaing ni Dexter Carlos Sr., ang naulilang padre de pamilya.

Humingi siya ng tawad sa pamilya dahil hindi raw niya sila naipagtanggol lalo't seguridad ng iba ang kanyang binabantayan sa kanyang trabaho bilang security guard.

Bago isinara ang mga nitso, inilagay pa sa loob ang mga gamit pang-eskuwela ng mga bata.

Paniwala ni Dexter, magandang may mapaglibangan ang mga bata sa kanilang pagbiyahe sa kabilang buhay.

"Hindi ko alam kung ano ang kaya kong gawin. Di ko alam kung kaya kong mag adjust sa sarili ko. Diyos nalang ang nakaka alam kung kakayanin ko ang trahedya ngayon,"

Ngayong nailibing na ang pamilya ni Carlos, wala na siyang balak bumalik sa kanyang tahanan. Ipapa-bless na lang daw nila ito at ipa-padlock.

Ang tanging dasal na lang niya ay magkaroon siya ng sapat na lakas para mabigyan ng hustisya ang kanyang pamilya.

-- Ulat nina Doland Castro at Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.