P15.6-M halaga ng marijuana nasamsam sa Agusan

May Diez, ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2016 08:48 AM

MANILA - Tinatayang P15.6 milyon halaga ng marijuana ang nadiskubre ng mga awtoridad sa isang taniman sa kabundukan ng Loreto, Agusan Del Sur.

Natunton ng mga awtoridad ang taniman ng droga sa Barangay Kasapa 1 noong Sabado, sa tulong ng sumbong ng komunidad.

Nasa 5,000 piraso ng marijuana ang binunot ng mga tauhan ng Loreto at Agusan Del Sur police, Public Safety Battalion at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Caraga Regional Office.

Umabot ng 125 kilo ang nakumpiskang pananim.

Ayon kay Caraga police spokesperson Supt. Michael Lozada, hindi pa matukoy ng pulisya kung sino ang may-ari ng plantasyon, pero nangako siyang hahabulin ng batas ang mga nasa likod ng pagtatanim ng marijuana.

Mas pinaigting din anya ang kanilang operasyon kontra sa bawal na gamot, ayon na rin sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.