Maisan inatake ng pesteng army worms

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2016 07:17 PM

GENERAL SANTOS CITY - Ekta-ektaryang maisan ang apektado sa pag-atake ng pesteng army worms. 

Anim na barangay na ang apektado, pero pinakamatindi sa Barangay Sinawal kung saan nagdeklara na ng outbreak ang City Agriculture Office doon.

Puspusan ang pag-spray ng mga magsasaka sa may tatlong ektaryang maisan sa Barangay Sinawal, General Santos City. 

Umaasa pa silang may maaani pang mais sa susunod na dalawang buwan. 

Ayon sa magsasakang si Harry Gomez, baka maubos umano ang kanilang mais kung ititigil ang pagsasaboy ng kemikal.

Problemado rin Aleriano Moraca dahil ngayon pa lang sila sana makakabawi matapos ang El Niño.

Nananawagan din ang magsasakang si Moraca sa City Agriculture Office na bigyan sila ng gamot laban sa umaatakeng peste. 

Ayon sa City Agriculture Office, kontrolado ngayon ang outbreak ng peste sa Barangay Sinawal. Sa kabuuan, halos 100 ektaryang maisan ang apektado sa General Santos.

"Mabilis at madali lang siya i-kontrol. Thorough land preparation, kasi yong ibang farmers kasi hindi na nila inararo ng todo-todo so nagkaroon ng outbreak," sabi ni Merlinda Donasco, City Agriculturist.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.