PatrolPH

Bentahan ng mga gamit pang-eskuwela sa Divisoria, matumal pa rin

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2022 02:07 PM

https://sa.kapamilya.com/absnews/abscbnnews/media/2022/tvpatrol/07/04/uniform.jpg

Idinaing ng ilang nagtitinda sa Divisoria, Maynila ang hina ng kita ngayong matumal pa rin ang bentahan ng school supplies.

Bagaman Agosto pa ang pormal na pag-uumpisa ng school year sa mga pampublikong paaralan, may ilang pribadong paaralan nang nag-umpisa ng klase ngayong Hulyo.

Pero aminado ang mga nagtitinda sa Divisoria, na isa sa mga patok na bilihan ng mga murang gamit pang-eskuwela, na hindi pa rin ganoon kalakas ang kanilang benta.

"[Noong] mga nakaraang araw, minsan mayroon [benta], minsan wala. P190 lang ang benta. Mga panlalaki ang pinakamabenta," sabi ng tinderang si Rizza Jane.

"P10 lang ang pinakakita ng amo ko dito kasi ayaw niya magtaas [ng presyo] dahil sa kahirapan ng mga tao," dagdag niya.

Sa mga nais o nagba-budget na para sa mga uniporme ng mga estudyante, naglalaro sa P260 hanggang P300 ang bentahan ng mga polo na panlalaki habang P220 hanggang P250 naman sa mga blouse.

Naglalaro naman sa P150 hanggang P260 ang palda habang P180 sa shorts.

Pati ang mga nagbebenta ng sapatos at bag sa Divisoria ay hindi pa ramdam ang back-to-school fever dahil sa tumal ng bentahan.

"Hindi pa masyado mabili kasi papalapit pa lang... mayroon na pakaunti-kaunti na bumibili. Mabenta 'yong mga pang-kinder," sabi ni Christopher Galvez, tindero ng sapatos.

Naglalaro sa P250 hanggang P350 ang bag habang P200 hanggang P350 ang school shoes.

Umaasa ang mga nagtitinda na lalakas pa ang kanilang benta habang papalapit ang pasukan sa mga pampublikong paaralan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.