Blood donation program na idinaos kamakailan sa Taysan, Batangas. ABS-CBN News
Daan-daang bag ng dugo ang nakolekta sa isang matagumpay na blood donation program sa Taysan, Batangas kamakailan.
Nakiisa ang ABS-CBN Foundation sa lokal na pamahalaan ng Taysan at Department of Health-Calabarzon, kasama ang iba pang partner, para sa programa na nakakolekta ng 237 bags ng dugo.
"Tayo ay natutuwa at ang tao rito sa Taysan ay mulat na sa kahalagahan ng pagdo-donate ng dugo, dahil ang buhay na ibinibigay mo ay nakakatulong madugtungan ang buhay ng kapwa mo," sabi ng municipal health officer na si Dr. Maria Rosita Daisy Pauig-Redelicia.
Kasama sa mga nag-donate si Loreto Asi, na bumiyahe pa galing sa isang mountain barangay.
Limang taon na umanong nagdo-donate si Asi. Nagsimula siya nang maranasang mahirapang makakuha ng isasaling dugo para sa kapatid na noo'y kinailangang operahan sa puso.
"Naranasan ko na bibili ako ng dugo, wala akong mabiling dugo," ani Asi.
Nag-donate din ang barangay health worker na si Severina Bayani, na 10 taon nang nagbibigay ng dugo.
"Gusto ko po mag-donate ng dugo para na rin sa ating mga kasamahan para madugtungan po ang kanilang buhay," aniya.
— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, TV Patrol, public service, Taysan, Batangas, TV Patrol Top