Rider ng motorsiklo, sugatan sa banggaan sa EDSA

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2021 08:20 AM | Updated as of Jul 04 2021 09:31 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Sugatan ang isang rider ng motorsiklo matapos bumangga sa isang SUV sa EDSA sa Quezon City, Sabado ng gabi. 

Nakahandusay ang rider sa northbound lane ng EDSA malapit sa isang malaking mall.

Ayon sa inisyal na impormasyon, bigla umanong huminto ang pulang SUV at hindi agad nakapagpreno ang motorsiklo kaya bumangga ito at nadulas.

Agad namang dumating ang ambulansiya at dinala ang rider sa ospital.

Tumangging magbigay ng pahayag ang driver ng SUV. 

Nagkaroon ng bahagyang pagsikip ng trapik, lalu’t umuulan pa nang mangyari ang insidente.

Pinaalalahan ng Metropolitan Manila Development Authority ang lahat ng motorista na maging mas maingat dahil madalas na ngayon ang pag-ulan. 

Nauna nang sinabi ni MMDA EDSA traffic chief Bong Nebrija na mag-ingat lahat ng drivers at riders dahil kapag umuulan, low visibility ang paligid at madulas ang kalsada.

Pakiusap niya sa lahat ng motorista na magdahan-dahan sa mga ilalim ng footbridge at flyover dahil kadalasan doon humihinto ang mga motorcycle riders para sumilong sa ulan. Pero pakiusap ng MMDA sa mga riders na sana huwag nang sumilong sa ilalim ng flovers at footbridge dahil delikado ito.