PatrolPH

Mahigit 200 anti-aircraft ammunition mula pa sa WWII, nahukay sa Ilocos Sur

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2021 05:15 PM

Mahigit 200 anti-aircraft ammunition mula pa sa WWII, nahukay sa Ilocos Sur 1
Mahigit 200 anti-aircraft ammunition mula pa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang nahukay sa San Juan, Ilocos Sur. Larawan mula sa San Juan Police.

Mahigit 200 ammunition mula pa sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang nahukay sa Barangay Sabangan sa bayan ng San Juan sa Ilocos Sur, Huwebes ng umaga.

Ayon sa hepe ng San Juan Police Station na si Police Captain Christopher Ramat, nakuha ng mga construction worker ang mga bala habang naghuhukay para sa ipapatayong bakod ng isang bahay sa nasabing barangay.

Umaabot sa 223 na may habang halos 7 inches ang mga balang nahukay. 

Ani Ramat, ang mga balang ito ay 22-millimeter anti-aircraft ammunitions na mula pa noong World War 2 na maaaring ibinaon ng mga Hapon sa nasabing lugar. 

"Base sa history ng San Juan ay may lumubog na barko ng Hapon doon sa San Juan kaya siguro ay doon ibinaon ng mga Hapon or sinumang nakarekober," aniya.

Nasa kustodiya na ng Ilocos Sur Police Provincial Office ang mga nahukay na bala. 

Paala ni Ramat na ang mga nahukay na lumang mga bala ay itinuturing pang live ammunition na maaari pang pumutok kaya payo nito na kung makarekober or makahukay ng anumang bala o pampasabog ay huwag itong galawin at i-report agad sa pulisya.

- ulat ni Grace Alba

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.