PatrolPH

Bilang ng mga nasawi sa C-130 plane crash sa Sulu, nadagdagan pa

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2021 05:49 PM | Updated as of Jul 04 2021 08:45 PM

Watch more on iWantTFC

(UPDATE) Nadagdagan pa ang bilang ng mga nasawi sa pagbagsak ng isang C-130 aircraft ng militar na may lulan na 96 pasahero at crew sa Sulu kaninang umaga. 

May 29 na bangkay ng military personnel na ang narekober mula sa crash site, habang 2 sibilyan naman na nasa lupa ang nasawi sa pagbagsak ng C-130 aircraft ng Philippine Air Force na may tail number na 5125.

Nasa 50 sundalo ang sugatan sa insidente habang 17 naman ang pinaghahanap pa sa kasalukuyan, base sa pinakahuling tala ng Joint Task Force Sulu.

Ayon sa text ni Lt. Col. Maynard Mariano ng PAF Public Affairs Office, galing ang C-130 sa Villamor Air Base sa Pasay at nag-landing sa Lumbia Airport sa Cagayan de Oro City.

Mula doon, maghahatid sana ito ng mga sundalo papuntang Jolo, Sulu.

Pasado alas-11 ng umaga nang maiulat ang pagbagsak sa Sulu.

Agad na sumugod sa crash site ang mga tropa ng militar, pulisya, Bureau of Fire Protection at provincial disaster office.

Patuloy ang isinasagawang rescue at recovery operation.

Nanawagan naman si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa publiko na iwasan ang pagkalat ng mga haka-haka, na hindi umano nakakatulong sa nangyaring trahedya.

— Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.